Sisihin ang mga inilagay sa puwestong opis- yal kung bakit patuloy ang pagdami ng mga nagugutom. Sisihin ang mga nasa puwesto na walang ginagawang hakbang kung paano malulunasan ang pagkagutom.
At tila tinatalaban na ang Presidente sa mga batikos tungkol sa pagdami ng mga nagugutom na umabot na sa 19 percent. Isang araw makaraang lumabas ang survey, sinabi ni Mrs. Arroyo na binibigyan niya ng anim na buwan ang mga pinuno ng ahensiyang may kinalaman sa anti-poverty program. Binalaan ni Presidente ang mga pinuno na masisibak sila sa puwesto at sila ang magugutom kapag hindi nagbago ang resulta ng SWS survey na marami nga ang nagugutom particular sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon.
Mas marami nga ang nakararanas ng gutom ayon sa survey na ginawa noong February. Mas mataas ang bilang ng mga nagugutom ngayon kumpara noong November 2006. Halos wala rin namang pinagbago ang mga nakararanas ng gutom sa Visayas. Ibig sabihin nito na sa kabila ng sinasabi ng gobyerno na gumaganda ang ekonomiya, marami ang nakararanas ng gutom.
Mabuti naman at ang mga pinuno ng ahensiyang may kinalaman sa anti-poverty program ang binigyan ng ultimatum ng Presidente. Siguro naman, magkakaroon ng pagbabago sa survey kapag gumalaw na ang mga namamahala. Baka makaisip sila ng paraan kung paano malulunasan ang pag-kagutom.
Ang saya-saya kung wala nang makikitang mga butuhang kamay na namamalimos sa mga plaza sa Maynila at iba pang lugar. Ang saya-saya kung wala nang aasa sa biyaya ng basurahan. Ang saya-saya kung wala nang mga batang mala-laki ang tiyan na nagpapalimos sa silong ng LRT, MRT at ibang matataong lugar. Ang saya-saya kung maraming trabaho. Ang saya.