Nauna kong iniulat dito na itong si Abelardo ay bukambibig ang pangalan ni Calderon sa mga kausap niya sa negosyo o maging sa mga sosyalan. Porke kapwa sila taga-Nueva Ecija, ang akala ni Abelardo ay makakalusot na siya sa pagyayabang niya, di ba mga suki? Kaya lang may kasabihan tayo na kapag nagtanim ka ng masama eh masama rin ang aanihin mo. Kaya’t kung noon ay masaya si Abelardo sa pagbigkas niya ng pangalan ni Calderon, tiyak sa ngayon, nagkaroon na siya ng leksiyon. Tinitiyak kasi ni Pagdilao na hindi nila palalampasin ang name-dropping activities ni Abelardo para hindi na siya pamarisan pa ng iba. ‘‘An investigation is underway,’’ ang dagdag pa ni Pagdilao.
Sa ganang akin naman, hindi na mahihirapan ang PNP natin na mag-background check dito kay Abe lardo. Magsadya lang sila sa korte at presto… tiyak mabubulaga sila sa mga kaso na hinaharap ni Abelardo nga, anang mga kausap ko sa Manila Police District (MPD). Siyempre, hindi maiwasan na mabanggit ang kasong less serious physical injuries, malicious mischief at grave threats na isinampa laban kay Abelardo ng taxi driver na si Benjamin Masongsong, sa Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 65 sa Makati City. Binugbog ni Abelardo si Masongsong bunga lang sa gitgitan sa trapik. Pero imbes na sumuko si Masongsong at makipagkasundo kay Abelardo, aba lumaban ito sa korte at ang abogado pa niya ay si retired Court of Appeals justice at dating Department of Justice acting Secretary na si Demetrio Demetria. At mukhang gumanda pa ang buhay ni Masongsong dahil sa ngayon, driver na siya ng isang Chinese banker. Ang buhay nga naman oh. Dati hampas lupa lang si Masongsong, pero nang mabugbog ni Abelardo, eh sinuwerte pa siya, di ba mga suki? He-he-he! Napatunayan lang ng kaso ni Masongsong na totoo ang tinuran ng bata ni Erap na artista sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ‘‘Weather, weather lang ’yan.’’
May annulment case rin si Abelardo sa korte.
Pero higit sa lahat, isama na rin ng PNP ang imbestigasyon nila na kanselado na ng SEC ang permit ng kompanya ni Abelardo at hindi siya nagbabayad ng tamang buwis.