Inaresto si Ocampo ng Manila Police Department (MPD) habang nasa compound ng Supreme Court. Nagtungo si Ocampo sa SC para mag-file ng petisyon na kumukuwestiyon sa kanyang pag-aresto. Sinabi ni Ocampo na hindi siya nagtatago. Si Ocampo, 67, ay dating spokesman ng National Democratic Front (NDF) ng Communist Party of the Philippines bago nahalal na party-list representative.
Inaresto si Ocampo dahil sa kasong murder na isinampa sa kanya ni Judge Ephrem Abando ng Hilongos, Leyte trial court Branch 18. Bukod kay Ocampo sinampahan din ng kaso ang iba pang communist leaders dahil sa pagpatay sa 15 katao sa pagitan ng 1985 hanggang 1991 sa Leyte. Sinabi ng awtoridad na ang 15 kalansay na natagpuan sa isang hukay ay mga dating communist rebels na pinatay ng kanilang mga kasamahan dahil sa hinalang espiya sila ng military. Ayon naman kay Ocampo, ang mga kalansay ay "recycled". Inilipat lamang umano ang mga iyon galing sa ibang hukay.
Bago ang pag-aresto kay Ocampo, ilang linggo nang nakikita na maraming sundalo sa Metro Manila. Karamihan sa kanila ay nagbibigay ng mga libreng gupit at nagtutule sa mga bata. Pero sabi ng mga activist, ang layunin ng military ay wasakin ang mga makakaliwang party-lists group na katulad ng Bayan Muna ni Ocampo. Itinanggi naman ito ng military.
Kung nagkasala si Ocampo sa mga pagpatay sa kanyang mga kasamahan, dapat niya itong pagbayaran. Kaya lamang ay nakapagtataka ang pag-iisyu sa kanya ng warrant of arrest ng Leyte court sapagkat matagal nang nangyari ang krimen at ngayon lamang nila pagbabayarin si Ocampo. At nagkataon din naman na kung kailan siya tumatakbong reelectionists sa party-list. Bakit pinaraan pa ang maraming taon  halos dalawang dekada bago siya inaresto. Madaling isipin na isa itong uri ng pangha-harass para nga ang mga naaakusahang "maka-kaliwa" sa Kongreso ay hindi na muling makauupo sa puwesto.
Kung ito ang inaakala nilang estratehiya para madurog ang mga "makakaliwa" tila mali ang kani lang ginagawa. Baka sa halip na madurog ay lalo pang dumami ang mga kumakalaban. Ang mga Pinoy ay madaling maawa sa mga "naaapi". Kahit nga nasa kulungan na ang kandidato ay nananalo pa rin. Isipin sana ang estratehiyang ginagawa kung tama.