Walang ibang tatamaan ng sisi kundi si President Gloria Macapagal Arroyo lalo pa’t matagal na siyang pinararatangan ng katiwalian kasama ang kanyang mga kamag-anak at mga malalapit na tauhan.
Matagal nang nababalita na pangkaraniwan na sa Pilipnas ang lagayan sa gobyerno. Naging normal na sa ating bansa na hindi aandar ang papeles o anumang kailangan kahit na saang ahensiya ng gobyerno kung hindi maglalagay. Nasa kultura na ang paglalagay sa bansang ito. Dahil sa katiwalian kaya sumikat ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, BIR, DPWH, PNP at iba pa.
Lalong tumindi ang tungkol sa katiwalian nang kumalat na sa buong mundo na Standard Operating Procedure (SOP) na sa Pilipinas ang paghingi ng commission ng mga taga-gobyerno sa iba’t ibang transaksiyon maliit man ito o daan-daang milyong dolyar. Diumano, hindi raw makapag-nenegosyo ang mga foreign businessmen sa gobyerno kung walang gani-tong under-the-table agreement.
Kung tutuusin, hindi makararating sa ganitong kalagayan ang Pilipinas kung ang mamamayan ay hindi nagpabaya. Kinunsinti ang kawalanghiyaan ng mga opisyal. Mayroon tayong kapangyarihan at karapatan para sawatain at parusahan ang mga kurakot. Pero ang nangyari, kampante lang sa pagkakaupo ang lahat at nagsasawalang-kibo.
Mahusay lang ang iba sa pagsama sa mga rally at demonstrations na wala namang saysay ang pinatutunguhan. Ang iba naman ay kasama rin sa mga lagayan at nakikinabang sa mga corruptions. Ang mamamayan ang may kasalanan kung bakit ang Pilipinas ay nakasadlak sa putikan.