At walang ibang dapat gawin ngayon ang Office of the Ombudsman kundi laliman pa ang kanilang imbestigasyon sa nursing scam. Ngayon ay maraming nursing student ang nangangamba na maapektuhan din sila sa hinaharap. Maaaring hindi sila makakuha ng CGFNS kagaya ng inaasam ng mga nagtapos ng nursing.
Ang inaasam ng marami ay maparusahan ang lahat ng mga nagkasala sa nursing exam para mabura na ang masamang bangungot. Sa ngayon, dalawa pa lamang sa mga nursing board members ng 2006 examination ang ipinagharap ng kaso ng Ombudsman.
Ang dalawang sinampahan ng kaso ay sina Anesia Dionisio at Virginia Madeja. Dahil sa ginawa nila, nasa balag ng alanganin ngayon ang kuwalipikasyon ng may 17,000 nurses. Sina Dionisio at Madeja umano ang nag-leak ng test questions sa isang review center  ang R. A. Gapuz Review Center sa Baguio City. Umano’y 25 questions ang na-leak ng dalawang board members. Si Dionisio ay naka-assigned bilang examiner sa psychiatric nursing samantalang si Madeja ay sa medical surgery nursing.
Sabi ng Ombudsman, matibay ang ebidensiya na ang dalawa ang tuwirang pinanggalingan ng mga na-leak na test questions.
May palagay naman kami na hindi lamang dalawa ang dapat managot sa nursing scandal. Maaaring may iba pa at sila ang "utak" kung bakit nangyari ang kahiya-hiyang pangyayaring ito na naglilibing sa propesyong nursing. Kung hindi nagkaroon ng eskandalo mananatiling malinis ang pagtingin ng ibang bansa sa mga Pinoy nurses. Pero ngayon, maski ang US ay nagdududa na sa mga nurses na Pinoy. Malaking eskandalo ang nangyari kaya nararapat na magbayad ang mga nagkasala. Hindi dapat patagalin ang paglalapat ng parusa sa iba pang nagkasala sa dayaan. Kung hindi mapaparusahan ang iba pang kasangkot lalo lamang aali-aligid ang "multo" ng kahapon at hindi na makatatakas dito ang mga susunod pang henerasyon ng Pinoy nurses. Kawawa naman sila. Kaskasin ang dungis ng dayaan.