Kung hindi nag-imbestiga ang UN investigator na si Philip Alston marahil ay patuloy pa ang mga pagpatay. Mula nang i-pressure ng UN ang gobyerno na ilabas ang imbestigasyon ng Melo Commission, nakapagtatakang walang napapatay na aktibista at mga mamamahayag. Ibig bang sa- bihin nito ay may nasa likod ng mga pagpatay at sila ang tanging nagpapagalaw kung mayroong gustuhing itumba.
Pati ang United States ay nakisimpatya na rin sa mga nangyayaring pagpatay at nag-alok pa ng tulong sa gobyerno para malutas ang mga pagpatay. Pero tumanggi ang Malacañang sa alok na tulong.
Ang military ang lumalabas na may kagagawan ng mga nangyayaring pagpatay base sa imbestigasyon ng Melo Commission, Ang commission ay binuo ni President Arroyo noong nakaraang taon para malutas ang mga pagpatay at nang maparusahan ang mga gumagawa nito. Pero nang ibigay ng Melo ang kopya ng imbestigasyon sa Malacañang ay ayaw pang isapubliko ang nilalaman. At na-pressure na nga lang ni Alston ng UN. Sinabi ni Alston na nagsisinungaling ang military sa mga nangyayaring pagpatay.
Sa report, mahigit 800 aktibista ang napatay mula nang maupo si President Arroyo noong 2001. At tila tumutugma naman sa report ng Melo na may kinalaman ang military sa mga brutal na pagpatay. Itinuturo ng mga militante si retired General Jovito Palparan na "utak" ng mga pagpatay. Ikinaila naman ito ni Palparan.
Sa gagawing imbestigasyon ng special court malalaman kung nagsasabi ng totoo o hindi ang military. Sana’y maging patas ang imbestigasyon. Sana’y makakuha na ng hustisya ang mga "pinatimbuwang ng bala".