Noong April 21, 1998, naghain si Eddie ng amended certificate of candidacy kung saan iniwasto niya ang naunang COC at tinukoy na ang posisyong tinatakbuhan. Kaya, nakasama ang pangalan ni Eddie sa listahan ng mga pagpipilian sa pagka-mayor. Nanalo si Eddie at ipinroklama. Agad namang naghain si Celso ng mosyon upang ipawalang-bisa ang proklamasyon ni Eddie at ihinto pansamantala ang susunod pang gawain nito. Iginiit ni Celso na mayroon siyang nakabimbin na petisyon laban kay Eddie na dapat sana ay napagpasyahan bago ang proklamasyon ni Eddie. Ngunit hindi pinaboran ng Comelec ang mosyon ni Celso, sa halip ay dinismis ito sa kawalan ng merito. Ayon sa Comelec, hindi naging isang matinding kamalian ang hindi pagtukoy ni Eddie sa posisyong tinatakbuhan sa naunang COC dahil ito ay naiwasto ni Eddie bago pa man ang halalan. Tama ba ang Comelec?
TAMA. Ang paghain ng amended certificate of candidacy matapos ang huling araw ng pagsusumite at bago ang halalan ay sapat nang pagtupad sa hinihingi ng batas at pagwawasto ng kamalian sa COC. Sa katunayan, ang naiwastong COC ni Eddie bago ang halalan at ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa listahan sa pagka-mayor ay sapat nang abiso sa mga botante para sa pagpili nila ng nararapat na mayor. Ang teknikalidad ay hindi mangingibabaw sa isang sapat na pagtupad sa batas ng halalan, tulad ng pagkakapanalo ni Eddie na nagsasabing siya ang pinili ng nakararami (Conquilla vs. Comelec, G.R. No. 139801, May 21, 2000).