Malinis na halalan, mangyayari kaya?

KAISA ng lahat ng ating mga kababayan na naniniwala sa demokrasya bilang pinakamainam na porma ng gobyerno, sinusuportahan ko ang "pangarap" ng lahat para sa isang malinis na halalan ngayong darating na Mayo 14.

Nasabi kong "pangarap" dahil, simula pa noong panahong nabigyang kalayaan tayo pagkatapos ng World War II, at kahit pa noong panahon ng ating mga lider na Katipunero, dayaan at pandaraya ang pinakamasagwang katangian ng ating halalan.

Hindi nga ba’t si Gat. Andres Bonifacio ay biktima ng manipulasyon ng halalan sa Tejeros na nagluklok sa panguluhan kay Emilio Aguinaldo?

Kung babalikan pa nga, masasabing dalawang beses lamang "relatively clean" ang ating eleksyon–noong manalong pangulo si Ramon Magsaysay at ang pinaka-huli, nang maluklok si President Erap sa 1998 elections.

Sa nakaraang 2004 elections, batid ng lahat ang talamak, malawakan at garapalang pandarayang naganap kaya nga hanggang ngayon ay walang masabing tunay na "reconciliation" sa panig ng mga nasa Malacañang at sa mga tunay na miyembro ng oposisyon. Paano ka ba kasi makipagkasundo sa isang pangkat ng mga mandaraya na ng mabisto sa kanilang ginawa ay malakas pa ang loob na magsinungaling?

Kaya nga sa darating na Mayo 14, napakabigat ng hamon at responsibilidad na dapat nating gampanan lahat upang matiyak na ang tunay na boses ng mga botante ang mananaig pagkatapos ng halalan.

Sa tingin ko, dumating na sa punto na ang kalinisan ng ating halalan ay dapat tiyakin ng bawat isa sa atin at huwag nang iasa sa ating mga election officials at sa mga nasa poder ng kapangyarihan.

Gusto natin nang matatag na demokrasya at malinis na halalan? Ang pagtitiyak nito ay nakasalalay na sa ating mga kamay.
* * *
Ang Doktora Ng Masa ay handang magbigay ng serbisyo publiko. Maari kayong mag-email sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.ph o magpadala ng liham sa aking tanggapan sa Room 202, GSIS Building, Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City.

Show comments