Naimulat ko ang mga mata ng ilan nating mga kababayan matapos kong tumbukin ang hokus-pokus na bidding sa DepEd na pinondohan ng World Bank. Kung kayat naglakas loob na rin silang lumapit sa akin upang maisiwalat ang pag-magic ng ilang malalakas na kontratista sa Maynila.
Labis kasi ang pangamba ng ilan nating mga kababayan na maibubulsa lamang ng ilang gahaman sa salapi ang pera ni Juan dela Cruz sa mga moro-morong kontrata pag nagkataon. Get nyo mga suki!
Ang pa-bidding umano sa P39 million halaga ay para sa procurement of various substinence supply of patients, foods items and zoological supply.
Sa naturang halaga ay masusuplayan ng pakain ang Department of Social Welfare Development (DSWD), Public Recreations Bureau (PRB), Ospital ng Maynila, Gat Andres Bonifacio Medical Center, Ospital ng Tondo at Ospital ng Sampaloc sa ilalim ng pamamahala ng Maynila.
Sa naturang budget ay minabuti ng pamahalaan ng Maynila na daanin sa bidding upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng interesadong bidders na makakuha ng kontrata para sa mga supply na kailangan. At 11 bidders ang diumanoy nagsumite ng kanilang intensyon sa City General Services Officers (CGSO) na pinangangasiwaan umano nina Velasco, Banzon at Carmen.
Maganda ang layunin nina Manila Mayor Lito Atienza at City Administrator Dino Noble sa naturang bidding upang makakuha ng de kalidad na suppliers. Di ba mga suki? Ito ang tamang proseso upang di masayang ang salapi mula sa kaban ng bayan.
Subalit ayon sa mga taga-city hall na aking nakausap ay tila may hukos-pokus umano ang naturang pa-bidding sa dahilang mga kaalyado lamang nina Mayor Atienza at Administrator Noble ang nakakakuha ng kontrata, he-he-he!
Kayat naghihinala sila na may nangyaring moro-moro sa bidding para mas malaking halaga ang naibubulsa ng mga pinapaburang supplier.
Tinukoy ng aking mga kausap ang mga supplier na malapit umano sa dalawa na sina Billy, Villalobos, Chelsea, Paul & Pau, Medina, Ribsons at Arce kung kayat malalaking kontrata ang nakukuha dahil super bagyo ang kanilang mga kapit.
Kawawa naman pala ang mga baguhang supplier kung gayon dahil may pinapaburan rin pala sa pa-bidding. Abay dapat na kumilos dito si Mayor Atienza nang mawala ang paghihinala ng mga Manileño. Di ba mga suki?
Sino kaya itong Candelaria na binabanggit sa akin na super bagyo ang dating kay Mayor Atienza? Lahat umano ng mga bidders ay kailangang makipag-usap sa kanya upang makakuha ng kontrata. Abangan at kikilatisin ko ito mga suki, he-he-he!