Mga LPN ang gumagawa ng "dirty work", ika nga ng mga taga-ospital. Sila ang mga staff nurses, sa ilalim ng mga RN na supervisors. Graduate sila ng 12-18-month courses sa pag-aalaga ng pasyente, pag-asiste sa head nurse at doktor, at paggawa ng simpleng procedures.
Walang LPN sa Pilipinas. Ang pinaka-kapareha ay nurse aides, na tine-train ng kani-kanilang ospital batay sa sari-sariling kailangan. Walang basic curriculum para maging nurse aide, ani Dr. Leah Samaco-Paquiz, hepe ng Philippine Nurses Association. Mabuti pa ang nagke-caregiver sa Canada, may curriculum na aprubado ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Dahil walang LPN training sa Pilipinas, ani Engr. Arthur Lacuesta na founder ng Philippine Paramedic & Technical School, hindi tuloy napupunuan ng mga job openings sa US.
Isang uri lang ng nurse sa Pilipinas. Segun sa Nursing Act, ito ang RN na nakatapos ng four-year college course na Bachelor of Science in Nursing. Sila ang nurses sa mga ospital sa Pilipinas. Dahil sa dami nila, kinukuha sila ng US, Britain at Saudi Arabia pero sa posisyong RN lang.
Sayang ang pagkakataon, ani Lacuesta. Kada taon hanggang 2012, mangangailangan ng 200,000 bagong nurses sa US, dagdag ni Howard; kalahati nun ay para sa RNs, at ang kalahati pa ay sa LPNs.