Sa binuwag na NCEE noong dekada ‘70 ang mga hindi nakapasa ay hindi makakukuha ng anumang four-year course. Pang-vocational lang ang nararapat sa mga bagsak sa NCEE. Binuwag ang NCEE dahil sa maraming batikos.
Ngayon nga ay NCAE ang naisip ng Department of Education (DepEd) para matulungan ang mga estudyante na makita ang tamang landas patungo sa inaasam na tagumpay.
Maganda ang layunin ng DepEd sa pagbibigay ng NCAE. Makatutulong ito nang malaki sa mga bata pero mas maganda sana kung ibibigay ito nang mas maaga. Bakit hindi gawin kung nasa third year high school pa lamang ang mga estudyante para sa ganoon ay lubusan silang ma-assess sa kanilang pipiliing career. Kung nasa fourth year na ang estudyante, karamihan sa kanila ay nakakuha na ng entrance exam sa mga unibersidad. Kung nasa third year pa lamang ay uumpisahan nang bigyan ng NCAE ang mga estudyante tiyak na magkakaron nang magandang resulta ang lahat. Kapag nakita kung saang larangan mahusay ang estudyante dito siya hasain nang todo.
Halimbawa, kung isang estudyante ay nagpapakita ng interes sa numbers dito siya hasaing mabuti. Kung ang isang estudyante ay may interes sa fine arts, journalism, engineering o music, dito sila gabayan nang husto. Huwag ipakain sa kanila ang mga pagkaing hindi naman nila gusto at baka dumating ang araw na iluwa lamang nila ito. Maraming estudyante na kumuha lamang ng kurso sa kolehiyo dahil nakigaya lamang, napilitan o di kaya’y iyon ang ipinakukuha ng magulang. Hindi dapat ganito ang mangyari.