Tulad halimbawa ng karanasan itong Flying V Biofuel Center sa Philcoa, Quezon City. Ibinalita kamakailan lamang ng Flying V na sila raw ay nagulat sa biglang pagdami ng mga dyipni drayber na pumipila sa kanilang istasyon upang magkarga ng bio-diesel buhat nang itayo ang Biofuel Center nito lamang nakaraang Disyembre. Ang bio-diesel ay diesel na may lahok na isang porsyentong cocomethyl ester na langis mula sa niyog. Nakabebenta umano sila ng 5,000 hanggang 6,000 litro bawat araw.
Gayon din ang magandang balita tungkol sa bio-ethanol, isang uri ng alkohol na nakukuha naman sa mga halamang gaya ng tubo o sugarcane, mais, cassava at nipa. Inihahalo ang bioethanol sa gasolina at ang resulta ay ang tinatawag na E10, na ibig sabihin ay gasolinang may halong 10 porsiyentong bioethanol. Ito ay mabibili na rin ngayon sa lahat ng Seaoil stations sa presyong kapantay ng unleaded gasoline. Ang Pilipinas Shell ay nagbebenta rin ng E10 sa ilang pili nilang istasyon.
Dahil sa nakikita nilang paglaki ng mga magsisilipat sa bio-ethanol, magtatayo pa sila ng karagdagang 50 istasyon sa Metro Manila. Ito ay nagmula lamang sa apat noong 2005.
Masasabi nating kahanga-hanga ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa paghahanap at pagpalaganap ng alternatibong enerhiya. Napapanahon na rin namang kasing wakasan na ang pagkakatali natin sa petrolyong lumalamon ng bilyun-bilyong piso taun-taon. Kaya naman isa sa pinakaabalang miyem- bro ng gabinete ni Pangulong Gloria Arroyo ngayon ay si Department of Energy Secretary Raphael Lotilla. Kung magtutuluy-tuloy ang magandang kooperasyong ito, posibleng makamit ng bansa ang plano nitong 60% SELF SUFFICIENCY IN ENERGY REQUIREMENT BY 2010.
Hindi malayong mangyari ito sapagkat mayroon nang mga pribadong mamumuhunan na nagsimula nang mag-produce ng biofuel tulad ng Chemrez Technologies. Ang Seaoil at Flying V ay nagpakita rin ng interes magtayo ng kanilang sariling pabrika ng Biofuel. Lubhang nakakaengganyo rin kasi ang tulong pinansyal at TAX INCENTIVES na offer ng gobyerno.
Noong isang buwan lamang ay pinautang ang San Carlos Bio- energy Inc., sa Negros Occidental ng mahigit P1.7 bilyon ng isang consortium ng mga bangko sa pangunguna ng De-velopment Bank of the Philippines. Ito ang magiging kauna-unahang distilerya ng biofuel sa bansa. Ang halaga ng pagpapatayo ng isang planta ay P1 bilyon. Kapag natapos, tinatayang makagagawa ito ng 35 to 39 milyong litro kada taon. Matagal nang uso ang paggamit ng biofuel maging sa ibang bansa, kabilang na and US na mayroon umanong 80 biofuel plants.
Ang pinakasuma tutal nito ay kapag napalaganap ang Biofuels Program ng gobyerno, milyon-milyong bariles ng langis ang ating matitipid araw-araw dahil mababawasan na ang ating inaangkat na langis buhat sa ibang bansa. Ang fuel kasi ay manggagaling na sa ating mga tubo at niyog at sagana dito ang Pilipinas. Pagsapit ng 2010, tinatayang 135,000 ektarya na ang matataniman ng sugar-cane upang matugunan ang pangangailangang 8.1 milyong toneladang tubo sa bio-ethanol pa lamang.
Kapag naman dumami ang mga planta ng biofuels dito, marami din sa ating mga kababayan ang mabibigyan ng trabaho. Ang limpak-limpak na pera namang matitipid ay maaari namang ilaan para sa malalaking proyekto para sa imprais- truktura, edukasyon, kabuhayan at sa pagsugpo ng kahirapan.