Pag-asa ang nagpapailaw sa lahat. Yun ang nagpapatatag sa mga naghihirap at naghihinagpis. Anang mga doktor, pag-asa ang gamot kontra depresyon at pagpapakamatay.
Hindi baleng maubos na lahat, huwag lang pag-asa. Nang yayao sa digmaan si Alexander the Great, niregaluhan niya ang mga kaibigan ng kung anu-ano. Binulungan siya ng isang tauhan na wala na siyang matitirang ari-arian. Sagot niya, hindi bale, basta may pag-asa pa siya na maraming masasakop na lugar.
Hindi naubusan si Socrates ng pag-asa hanggang huli. Nang utusan siya ng korte na inumin ang lasong hemclock at nagpasya sumali ang mga estudyante, binulungan siya ng isa, "Maestro, mabubuhay ba tayo muli?" Sagot ni Socrates: "Sa palagay ko oo, kaso walang taong makakatiyak."
Mabigat na taon na naman ang lumipas. Puro gulo sa pulitika, pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin, paglaganap ng kahirapan. Tatlong milyong pamilya ang nagugutom. Pero siyam sa bawat sampung Pilipino pa rin ang nagsasabing mas gaganda ang buhay nila sa darating na taon. Ang pagsalin kasi ng taon ay may taglay na bagong pag-asa.
Naikakalat ang pag-asa, nabatid ng rags-to-riches na milyonaryong Eugene Lang. Minsan naimbita siya magsalita sa Grade 6 pupils sa East Harlem, New York City. Inisip niya mabuti kung ano ang sasabihin, at kung paano maakit man lang makinig ang mga batang Negro at Chicano na napabayaan na ng lipunan. Binasura niya ang notes at nakiusap na lang mula sa puso. "Tapusin nyo ang pag-aaral," aniya sa kanila, "at pangako kong tutustusin ko ang college tuition ng bawat isa sa inyo." Sa minutong yon, nagbago ang buhay ng 59 bata. Sa unang pagkakataon, nagkaroon sila ng pag-asa. Anang isa, "nagkaroon ako ng inaasahan, ng hinaharap, isang ginintuang pakiramdam." Halos 90% sa kanila ang nagtapos ng high school at tumuloy sa kolehiyo.