EDITORYAL - Baril ay nagkalat kaya krimen ay talamak!

SABI ng Philippine National Police (PNP) bumaba ang crime rate sa Metro Manila. Pero sa mga nangyayari ngayon na sunud-sunod ang mga nagaganap na krimen mahirap paniwalaan ang sinabi ng PNP. Ang kahinaan nila sa paglupig sa mga kriminal ang nakikita sa kasalukuyan.

Ang hindi seryosong kampanya ng PNP sa "loose firearms" ay isa sa mga nakikitang dahilan nang pagtaas ng krimen lalo pa sa Metro Manila. Kung matagumpay ang kampanya laban sa "loose firearms" bakit nagkalat ang mga baril na ginagamit ng mga masasamang loob sa pagpatay. Wala nang takot ngayon kung umatake ang mga holdaper, mamamatay-tao at iba pang halang ang kaluluwa.

Kamakalawa, isang babaing nagwithdraw ng ipangsusuweldo ang binaril at napatay ng mga holdaper sa Mandaluyong City. Pinatay siya sa harap ng anak. Nang araw ding iyon, hinarang ng mga kalalakihang nakamotorsiklo ang kotseng sinasakyan ng kaherang nagwithdraw ng pangsuweldo sa Valenzuela. Pinaputukan ang sasakyan ng kahera bago inagaw ang pera. Noong nakaraang linggo binaril at napatay si Abra Rep. Luis Bersamin Jr. habang papalabas sa Mount Carmel church. Bago pagpatay kay Bersamin, binaril at napatay din ang anak ng mayor ng Apalit, Pampanga.

Pawang baril ang ginamit na pampatay. Nasaan na nga ang kampanya ng PNP laban sa "loose firearms"? Paano nakalulusot ang mga taong de-baril gayong laging sinasabi ng PNP na mayroon silang checkpoints. Paano nila ipaliliwanag ang mga baril na ginamit sa mga pagpatay nitong nakaraang linggo.

Habang papalapit ang election ay patuloy din naman ang mga pagpatay na may kinalaman sa pulitika. At nakaharap sa blankong pader ang PNP sapagkat hindi nila malaman kung paano lulutasin ang mga nangyayaring krimen na kagaya ng nangyari kay Rep. Bersamin.

Maraming baril na nagkalat at siguro ay dadami pa habang papalapit ang eleksiyon. Nakakatakot na maaaring lumala pa ang mga patayan at nakawan kapag hindi nasamsam ang mga kalat na baril.

Paigtingin ng pulisya ang paglambat sa mga loose firearms para naman mabawasan ang pangamba ng mamamayan. Hindi dapat mangibabaw sa panahong ito ang karahasan na kadalasang baril ang ginagamit. Ipakita ng PNP na kaya nilang lunasan ang pagsusulputan ng mga kriminal.

Show comments