Anak ng Pasig

PASIG River. Karangalan ng Kamaynilaan. At kahihiyan. Dito nakipaglaban sa dayuhan si Rajah Soliman at Lakandula. At kung saan itinanim ang binhi ng kalungsuran. Dati’y inihambing sa tanyag na GRAND CANAL ng VENEZIA. Ngayon? Mas kilala sa taguring GRAND IMBURNAL ng MAYNILA.

Naghihingalo na ang Ilog Pasig. Sa marami ay wala na itong pakinabang. Para bang nalimutan na dati itong water supply, hulihan ng isda at iba pang yamang ilog, pasyalan at libangan para sa iba’t ibang klaseng watersports. Meron pa ngang ordinansa ang Maynila na ipinagbabawal ang maligo sa Ilog. Ang intensyon noon ay proteksyunan ang kalinisan ng tubig. Ngayon, ang pinoproteksyunan na ay ang buhay ng maliligo. Sa ingles — TOXIC ang Pasig River.

Sa ngayon ang tanging gamit nito ay ang pagiging alternatibong paraan ng transportasyon. At maganda namang humahakbang ang PASIG RIVER FERRY SERVICE PROJECT upang maitodo ang paggamit dito. Sa halos P9 bilyong utang mula sa Asian Development Bank, inumpisahan na ang rehabilitasyon ng Ilog kasama na ang pagtayo nang maraming terminal na gagamitin sa bubuhaying ferry service. Mga airconditioned boats ang maghahatid sa tinatayang mga 28,000 na pasahero kada araw mula Marikina hanggang Intramuros (mas mabilis ng 30 minutes). Kapag bumenta ang ideya ay itutuloy ito pataas sa Laguna Lake hanggang sa mga bayan ng Laguna.

Ang ferry service ay para ibsan ang kasikipan ng trapik sa Metro Manila at siyempre, makakabawas din nang malaki sa air pollution. Tulong din ito sa turismong lokal at pati na rin sa edukasyon ng kabataan - 12 na makasaysayang lugar din ang madadaanan sa ruta (kasama na ang Malacañang at Mabini shrine). Mura pa (P2.25 bawat kilometro) at mabilis. Sana’y magsilbi itong hudyat para sa tuluyang pagmulat ng mata ng Pilipino sa Ilog na nagbigay buhay sa atin. Ang No. 1 enemy ng Pasig ay ang ating kapabayaan. Ika nga ni Geneva: "Anak ng Pasig naman kayo / tapon doon, tapon dito / di niyo alam ang tinatapon niyo / ay bukas ko at ng buong mundo."

PASIG RIVER FERRY SERVICE PROJECT GRADE: 89?

Show comments