Maraming nabibistong anomalya sa mga palusot nina Martin at mga guards. Una, nahuli sila (kasama ang girlfriend, secretary at dalawang drivers ni Soriano) sa isang Makati restoran. Doon sila nabuntutan ng may-ari ng nawawalang kotse. Malinaw na pabaya ang mga guards; pakainin lang, huli na ng bilanggo ang loob nila. Wala sa ruta nila ang paghinto sa restoran; dapat ibinalik nila agad si Soriano sa QC jail matapos ang bista. Pabaya rin sila sa pagsakay sa mga kotseng hindi naman opisyal at minamaneho pa ng mga tauhan ng detainee na ine-escort; nilapit nila si Soriano sa tukso ng pagtakas. Sa maluwag na trato sa isang nasasakdal sa malalaking krimen estafa, robbery, carjacking, illegal arrest, arbitrary detention at kidnapping dapat managot na ang QC jail warden na si Supt. Ignacio Panti.
Nung Mayo lang, sinita na ng abogado ni Mary "Rosebud" Ong, isa sa mga nagsakdal kay Soriano ng kidnapping, ang VIP treatment mula kay Panti. Pinabulaanan ito ni Panti sa korte; sumumpa siya na bagamat 3,500 ang detainees sa kulungang itinayo para sa 900 lang, at miski 14 lang ang guards niya sa bawat eight-hour shift kada araw, kinakaya niya ang trabaho nang walang espesyal na pagtingin kanino man.
Kung gayon, iba ang kilos niya sa salita. Nung Nobyembre inutos ng Sandiganbayan na ipiit sa QC jail imbis na sa NBI compound ang nooy kae-extradite na si Atong Ang, sangkot sa plunder case ni Joseph Estrada. Pero nakakaisang gabi pa lang si Ang sa jail, inilipat siya ni Panti sa Bicutan nang walang pahintulot ng korte. Ang palusot niya ay meron daw kasing guard na balak pumatay kay Ang. Hindi niya pinangalanan o inumbestigahan ang guard. Yang kaluwagan ni Panti ang dahilan kung bakit nakakapagnegosyo si Soriano ng kotse mula sa kulungan.