Pero hindi lahat ay ganyan ang nararanasan nang mga bilanggo sa city jails. May mga bilanggo rin doon na VIP. Parang hindi rin sila nakakulong sapagkat natatamasa ang lahat ng luho sa katawan.
Kapag maimpluwensiya ang nakakulong, sigurado nang maayos ang kanyang kalagayan sa "loob". Basta pakilusin lang ang pera, tiyak na VIP ang nakakulong. Hindi mararanasan ang hirap sa loob.
Ilang taon na ang nakararaan, isang Chinese drug trafficker na babae ang nakalalabas sa Manila City jail para mag-casino. May padrino umano ang drug trafficker kaya malakas sa loob. Pagkatapos maglaro sa casino ay babalik na ang Chinese sa Manila City jail.
Sa Makati City jail naman, isang babaing nakakulong doon ang umanoy VIP din. Ayon sa report, ang babaing inmate ay may relasyon sa isang opisyal doon kaya naman hindi niya dinadanas ang hirap na kagaya ng ibang babaing inmate. Parang hindi nakakulong ang babae sapagkat malakas siya sa opisyal.
Kakaiba rin naman ang estilo ng dating agent ng National Bureau of Investigation na si Martin Soriano na nakakulong ngayon sa Quezon City jail dahil sa kidnapping, carjacking, illegal arrest, robbery at estafa. Nakalalabas din siya na walang posas.
Hanggang sa mawala na ang usap-usapan sa dating NBI agent. Pero mali ang akalang iyon sapagkat buhay pa si Soriano at sa pagkakataong ito ay nahuli habang sakay ng isang carnapped vehicle. Kasamang naaresto ni Soriano ang tatlong guards ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Sinabi naman ng mga BJMP guards na iniiskortan lamang nila si Soriano na dadalo ng hearing. Ang tatlong guards ay nakasakay sa back-up na RAV-4 na ipinahiram umano ni Soriano dahil walang magamit na sasakyan. May kahina-hinalang dokumento rin ang sasakyan.
Nadakma sina Soriano habang papalabas sa isang noodle house. At nakapagtataka, walang posas si Soriano. Hindi rin siya nakasuot ng t-shirt pampreso. Ganyan ka-VIP si Soriano. Maaaring sa mga susunod na araw gugulantangin na lamang ng balitang, may jail break at kasamang pumuga ang mga VIP sa jail.