Sayang at napapanahon na sana ang pag-amyenda ng Saligang Batas. Nagpahayag ng kontrang opinyon ang ilang dalubhasa sa Senado na hindi raw tama ang "timing" ng Cha-cha ngayon - maging con-ass o con-con - dahil galit pa ang tao. Kailangan daw ng hinahon. At pag-aralan dapat nang husto ang amyenda. Ang sagot diyan: Kung hindi ngayon, kailan pa? Nakakadalawa nang Commission (sa ilalim ni Erap at ni GMA) para lamang pag-aralan ang mga amyenda sa Konstitusyon. Hinog na ang pagkakataon. Kung hindi pa napahiya ang Kongreso, hindi sana sila papayag na mag con-con.
Balik sa Kongreso. Hindi naman lahat ng nagpuyat ay tampulan ng galit ng tao. Hindi nakakalimutan ang kabayanihan ng MINORITY BLOC. Mahirap tumayo nang nag-iisa kung ang lahat ng kasamahay naupo na. Subalit kung makatwiran naman ang pinaglalaban - pinagagaan nito ang bigat ng desisyon. Sa pinamalas nilang katatagan at kagitingan sa mukha ng napakalakas na puwersa ng kalaban, para bang naaninag ko ang diwa ng isa pang dehado katulad nila na mag-isa ring tumindig laban sa pang-aapi. Ang kanilang sinserong paninindigan, walang humpay na determinasyon at alab ng puso kulang na lang PATILYA, parang nakita ko na muli si FPJ.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang nagpaalam siya sa atin. Buong akala natin namaalam na rin, kasabay niya, ang anumang natitira pang pag-asa sa pamahalaan. Kaya naman nakatataba ng puso ang makitang may natitira pa palang iilan na pinagpapatuloy ang kanyang mga paniniwala. Pihadong proud siya sa inyo. Naibabalik ang kumpiyansa ng bayan na hindi sila pababayaan ng kanilang mga kinatawan - papawiin ang lambong ng takip-silim at lalabanan ang abuso ng kapangyarihan. Huwag mangamba. May bagong umagang darating.
HOUSE MINORITY BLOC GRADE: 95!