Pero tila walang magawa ang industriya ng manok at baboy. Anang Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) "naghihintay" lang sila kung ano ang gagawin ni Customs chief Napoleon Morales laban sa agricultural smuggling. Hanggang hintay na lang daw sila sa kabila ng pagnakaw ang kumpiskadong apat na container vans ng pork mula sa private warehouse na tinalaga ng Customs. Hanggang hintay na lang sila ng aksiyon ngayong nakuha na ng pulis ang ninakaw sa isang cold storage plant sa Pampanga. Hanggang hintay na lang ng kilos sa report ng NBI na naging labis na pabaya ang mga taga-Customs sa custody ng kontrabando.
Hirap si Morales kumilos. Kasi tila mga bata at mga itinalaga niya ang sangkot sa sunod-sunod na anomalya sa pork smuggling. Tao niya ang hepe ng Task Force Anti-Smuggling, na dapat sana pero hindi nag-imbentaryo ng laman ng apat na 40-footer vans. Appointee niya ang nag-license sa importer na Asia Golden Ark Marketing, na nagbasok ng bawal na pork. Chief of staff niya ang tagapamahala sa operasyon ng pribadong Sigma Warehouse kung saan itinabi at nawala ang 90% ng pork. Tao niya ang hepe ng auction and cargo disposal division na nagplano ng pekeng pagbaon ng kontrabando sa Pampanga kung saan wala palang permit ng local officials at handang dumpsite.
Pero tao man niya o hindi ang mga opisyales na sangkot (direkta o hapyaw) sa nakawan, kailangan maparusahan. Kung hindi, si Morales na mismo ang paghihinalaang sangkot. Kung hindi, mawawalan ng gana ang local agricultural industry na nagbabayad ng buwis. Mababawasan ang smugglers at magnanakaw kung may mapaparusahan.