Ang DOF-RIPS din ang nagsampa ng kaso laban kay Customs officer Felix Embalsado noong nakaraang linggo. Sinuspinde na si Embalsado dahil sa mga hindi maipaliwanag na yaman gayong ang suweldo lamang ay P14,450 bawat buwan. Natuklasan ng Ombudsman na ang mga ari-arian ni Embalsado ay nagkakahalaga ng P11 million. Wow!
Sina Millare at Embalsado ay halos nagkakatulad sapagkat hindi naman gaanong kalakihan ang kanilang suweldo subalit nakapagpundar sila ng mga ari-arian na nakalulula sa dami at laki. Si Millare ayon sa Ombudsman ay nagsimulang magtrabaho sa Customs noong 1989 na may suweldong P6,240. Ang kanyang kasalukuyang suweldo ay P20,823 bawat buwan. Sa kabila ng kanyang hindi kalakihang income nakabili siya ng bahay at lupa sa Cubao, Quezon City at isang magarang bahay sa Valle Verde. May mga ari-arian din siya sa Zambales at Sorsogon.
Ayon sa Ombudsman, marami pa silang mabibitag hindi lamang sa Customs kundi pati sa iba pang tanggapan. Sinabi kamakailan ni Ombudsman Mercedita Gutierrez na magtatayo sila ng Ombudsman Academy kung saan magti-train ang mga Ombudsman na ilalagay sa mga ahensiya para lumaban sa mga corrupt.
Limang tanggapan ng gobyerno ang nasa listahan ng Customs sa pagiging pinaka-corrupt at nangunguna nga ang Bureau of Customs. Ang apat pa ay ang Land Transportation Office, Department of Public Works and Highways, Philippine National Police at ang Department of Education.
Matutuwa ang taumbayan kung magsasagawa pa ang Ombudsman nang sunud-sunod na pagbitag sa mga corrupt hindi lamang sa Customs kundi sa lahat ng tanggapang talamak ang katiwalian. Dapat nang matapos ang pangungurakot para makaahon ang bansa at mawala ang amoy bulok. Dahil sa mga kurakot kaya marami ang nagdarahop. Bitagin ang mga buwaya!