Sa Con-Ass, ang mga kasalukuyang nakaupo sa Kongreso ang magreretoke sa sinasabing makaluma na nating Saligang Batas na binuo ilang buwan lamang pagkatapos ng Edsa 1. Sa ConCon naman ay mga delegadong ihahalal ng taumbayan ang magsasagawa ng mga pagbabago o pag-aamyenda upang palitan na ng parliamentary-unicameral ang kasalukuyang presidential-bicameral system. Ang ibig sabihin nito ay pag-iisahin na ang Kamara de Representante at ang tila wala na atang silbing Senado na ginugugulan ng bayan ng mga P8 bilyon tuwing taon.
Kasama rin dito ang pagreretoke ng mga economic provisions na nakakapigil sa pagpasok ng maraming dayuhang mamumuhunan sa ating bansa.
Kung si Senador Juan Ponce Enrile ang tatanungin, mas matimbang daw sa kanya ang Con-Ass kontra ConCon. Sa kanyang paningin, delikado ang ConCon sapagkat malamang ang mga mananalo ay mga asawa, anak, nanay, tatay, pinsan at pamangkin at iba pang mga kamag-anak ng mga nakaupong mga pulitiko. Sa madaling salita, one big happy family ang bubuo ng ConCon dahil ito ang kagustuhan ng mga nakaluklok na. Di lang yan, malaking kapahamakan kung ang mga nanalo ay walang karanasan, sapat na kaalaman at interes sa pagbubuo ng isang makabuluhang Konstitusyon at sariling kapakanan lamang ang kanilang isusulong.
Di tulad ng Con-Ass na kung saan ay bihasa na sa paggawa ng batas ang mga nakaupo sa Mababa at Mataas na Kapulungan, sa ConCon malaki ang posibilidad na ang mga maluluklok ay mga bagito na halos walang alam sa pagbubuo ng isang Saligang Batas. Ang mangyayari ay magsasanay pa ang mga ito at lalo pang tatagal ang pagbalangkas ng isang Konstitusyon na matagal na nating kailangan. Malaking kasayangan ito sa panahon ng sambayanan at sa kaban ng bayan. Hindi natin kailangan ngayon ang mga mangangapa pa sa dilim.
Maraming pro-ConCon ang nagmumungkahi na ganapin daw ito pagkatapos ng halalan sa isang taon. Meron ding suhestyon na pagbaba na raw sa pwesto ni Presidente Gloria ganapin ang ConCon, pero maraming naniniwala na nais lang pigilin ng mga taong ito ang Chacha dahil takot silang mabawasan ang kani-lang poder sa larangan ng pulitika at ekonomiya natin.
Sanay sa pagtitimbang ukol sa Con-Ass o ConCon, iwaksi na ang pulitika at ang pangsariling kapakanan at isipin na lang ang napag-iiwanan nating bayan.