Marami pang nangyaring paglubog at maraming namatay. Karaniwang dahilan nang paglubog ay dahil sa overloading. Marami rin namang isinagawang imbestigasyon sa mga nangyaring paglubog subalit wala ring nangyari. Sa simula lamang naging masigasig ang pamahalaan subalit nang tumagal ay wala nang nangyari. Naghihintay pala sa wala ang mga naulila ng biktima. Kagaya ng Doña Paz na marami pa rin ang naghihintay ng hustisya sa kaanak nilang napasama sa trahedya.
Ngayon ay nagsisimula na naman ang trahedya sa barko at marami na naman ang nagkakaroon ng takot. Kabilang sa mga natatakot ay ang mga bumibiyahe sa malalayong probinsiya na ang tanging paraan para makarating doon ay ang sumakay sa barko. Mas nakatitipid kung sa barko sasakay. Sa susunod na buwan ay panahon nang pagdagsa patungong probinsiya at marami rin naman ang lumuluwas ng Maynila para idaos ang Pasko. Tiyak na mapupuno na naman ang mga barko. Aapaw na naman sa mga pasahero.
Noong Sabado, isa na namang barko ang lumubog at 16 katao ang namatay. Lumubog ang barko sa Hinatuan Island, Surigao City. Bukod sa 16 na namatay, nawawala pa ang 17 iba pa. Kabilang sa nawawala ay isang mayor.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon sa tunay na dahilan nang paglubog. Umanoy overloading ang dahilan. Nagtataka ang mga imbestigador kung bakit 47 lamang ang nasa manipesto gayong 66 na ang naililigtas.
Imbestigasyon na namang katakut-takot ang magaganap sa paglubog na ito pero hanggang saan.