Biglang susulpot at bigla ring mawawala ang mga imbestigador. Matagal ring nawala sa paligid-ligid. Marami na silang pinaratangan ng kung anu-anong mga pagnanakaw at iba pang kasamaan, pagkatapos hindi na maririnig kung ano na ang kinahinatnan ng mga kaso. Matapos siraan sa media, iniwanan na lamang.
Kinasuhan sa Ombudsman si Customs Police chief Nestorio Gualberto. Si Gualberto ay dating PNP general at naging Director ng CIDG. Sa dami ng matataas na opisyal ng gobyerno bakit kaya siya ang napiling iparada sa publiko sapagkat nangurakot daw.
Matagal ko nang kilala itong si Gualberto. Sa pagkakaalam ko, hindi abusado ang taong ito at dedicated sa pagsisilbi sa bayan. Sa mahahalagang posisyon na kanyang nahawakan sa gobyerno, walang sinabi ang halaga ng salapi at ari-arian na ipinaratang na hidden wealth nito. Masasabi na small fish lamang si Gualberto sapagkat maraming pating at mga buwaya pero nandiyan pa rin silang nangungurakot pero walang pumapansin sa kanila.
Okey ang kampanya ng pamahalaan sa mga nangungurakot pero, siguruhin lamang na tamang tao ang mga kinakasuhan. Kailangang walang pinipili at parehas ang labanan. Umpisahan sa Senado, Kongreso, sa mga korte, AFP, PNP, DPWH, BIR.
Tanong ko, si Gualberto lang ba ang may atraso dyan? Maraming mandurugas sa Customs. Baka naman si Gualberto ang gumagawa ng tama at mayroon naman dyang mga lumalabag sa batas, kaya ito ang napag-iinitan?