Kadalasan, sa ganitong panahon ng kapaskuhan naglipana ang mga mandarayang tindero. Maraming tindero na nandadaya sa kanilang timbangan. Akala ng mamimili ay husto sa kilo ang nabili niya pero magugulat siya dahil malaki pala ang kulang. Sanay na sanay na sa pandaraya ang karamihan sa mga sidewalk vendor.
Kung matalino ang customer, maaari niyang ipatimbang sa iba ang nabili niyang prutas. May mga timbangang bayan ang mga palengke na tama sa sukat. May pagkakataon din na kapag nabuking ang tindero ay panay ang tanggi lalo na kung may kasamang pulis ang nagrereklamo subalit kapag nakalayo na ang pulis na dala ang nakumpiskang timbangan, ilalabas na ng mandarayang sidewalk vendor ang reserbang timbangan. Magpapatuloy siya sa pandaraya.
Paalala kong muli sa mga mamimili ngayong panahon ng kapaskuhan, mag-ingat sa manloloko at mandarayang vendors.