Inilantad ni Edgardo Padlan, 60, ang tunay na balat ng Immigration nang bulyawan niya si Luli noong November 1. Si Luli ay nakapila sa Immigration special lane ng mga diplomat nang makita nito ang ginawa ni Padlan na binali ang pila para lamang mapasingit sa unahan ang isang dayuhan. Maraming pasahero ang nakapila ang nilampasan ng dayuhan na inalalayan ni Padlan. Hindi na nakatiis ang nayamot na si Luli at kinompronta si Padlan kung bakit nito pinauna ang dayuhan gayong marami ang nakapila. Ang sagot ni Padlan kay Luli: "Hindi ka ba makapaghintay?"
Doon na nagsimula ang kalbaryo ng Immigration official. Ang masakit ay nang sabihan pa siya ni Luli na: "Bakit kaming mga Pilipino ang pinapagalitan mo? Bakit hindi yung foreigner?" Umanoy ikinatwiran ni Padlan na kaya niya inaasikaso ang dayuhan ay sapagkat mali-late na ito sa flight. Ganoon daw ang ginagawa kapag may pasaherong tinatawag na ng eroplano.
Tama lamang na magsalita si Luli sa aroganteng si Padlan. Bakit hindi ang pagalitan niya ay ang dayuhan na late sa flight? Bakit kailangang isakripisyo ang mga nakapila at mistulang dinidiyos ang dayuhan? Bakit masyadong pinahalagahan ni Padlan ang dayuhan at hindi na nga nakilala si Luli? Anong klaseng serbisyo publiko si Padlan na hindi alam kung paano makipag-kapwa tao?
Naniniwala kami na hindi lamang si Padlan ang may ganitong may magaspang na ugali. Tiyak na namumutiktik pa sila sa NAIA at araw-araw na nagpapakita ng kagaspangan sa mga taong nagdadaan sa NAIA. Kahit na sinabi pa ng Immigration na nabuksan ang kanilang isip sa insidenteng nangyari kay Luli, hindi kami lubusang tiwala na panghabang panahon nila itong gagawin. Nagkataon lamang na "anak ng Presidente" ang sangkot pero kung naging karaniwang tao lang si Luli, tiyak na walang mangyayari.