Ayon pa kay de Jesus, halos 80 katao ang naaresto nila sa kanilang intensified anti-illegal gambling drive nila. Bakit nagkaroon ng malawakang kampanya laban sa pasugalan kung sarado naman ang mga ito? Hindi sinabi ng kaibigan ko kung kailan itong anti-gambling drive nila mula noong Enero o nitong nagdaang mga araw lang. Kasi kung nitong nagdaang mga araw lang, ibig sabihin niyan matagal ng nagbukas na muli ang pasugalan sa Manila nga. Pero kung mula noong Enero naman, puwede dahil bukas na bukas talaga ang mga pasugalan noon at ng maupo lang si Abarzosa nagsara.
Sinabi pa ni de Jesus na marami sa naaresto ay dating mga tauhan ni Apeng Sy na nagsara dahil sa mataas na singil sa kanya ng lingguhang intelihensiya. Parang gustong ipalabas na ta-ga-MPD na kaya guerilla ang operation ay dahil walang intelihensiya. Hindi totoo yan mga suki! Kasi itong mga butas ni SPO3 Bartolome Tom Sacueza ay hindi tulad ng jueteng na puwedeng guerilla ang operation.
Mananaya rin tayo sa bookies mga suki kayat may alam tayo diyan. Sa jueteng, ang kubrador ay puwedeng mangapitbahay para mangalap ng taya. Sa bookies ng karera, ang mga kubrador ay dapat namamalagi lang sa isang lugar kung saan doon sila pupuntahan ng mga mananaya. Kapag palipat-lipat o guerilla ang operation ng bookies ng karera, tiyak mababa ang kubransa ng mga kabo. Get nyo Ma-yor Atienza at Col. Abarzosa Sirs? At ang alam ko, wala pang jueteng sa Manila, maliban na lang kung aamin na naman ang taga-MPD.
Ayon pa kay de Jesus, karamihan sa naaresto nilang sugarol ay taga-Tondo. Ang tanong ko sa ngayon sa kaibigan kong si de Jesus, bakit pinapahirapan pa niya ang sarili niya sa paghanap ng mga guerilla na puwesto sa Manila eh ibinulgar ko na ang mga butas ni SPO3 Bartolome Tom Sacueza sa mga naka-raan kong kolum? Puntahan mo na lang ang mga binanggit kong lugar sa Sta. Ana, Pandacan, San Andres at tiyak huli mo ang mga delanterang butas ni Sacueza nga. Sa tingin ko gusto lang sumipsip nitong kaibigan ko na si de Jesus para depensahan ang amo niya na sina Abarzosa at Atienza, pero nagboomerang naman, bakit palaging nakikita sina Arnold Sandoval, Noel de Castro at Pancho sa Beata Sts., Pandacan, Manila?
Abangan!