Patuloy na nagbabanta ang mga terorista. Magkakaroon daw ng pambobomba sa Metro Manila. Dalawang malalaking malls daw ang bobombahin. Naka-double red alert ang Philippine National Police. Ang mga teroristang Abu Sayyaf, Jemaah Islamiyah at Raja Sulaiman Movement ang nagsasagawa ng pambobomba. Ang Sayyaf at Jemaah ay nakakukuha ng suporta sa Al-Qaeda movement ni Osama bin Laden.
Madulas ang mga terorista at nahihirapan ang mga Armed Forces of the Philippines sa pagtugis. Sa kabila na sinasabing maliit lamang ang miyembro ng mga terorista, hindi sila maubos. Hinala ng AFP, maraming kasabwat sa lugar ang mga terorista at naiti-tip ang kanilang galaw kaya madaling nakatatakas.
Nagpanukala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na gamitin ang barangays para mamonitor ang galaw ng mga terorista, partikular sa mga lugar sa Mindanao. Sabi ni DILG Sec. Ronaldo Puno, makatutulong nang malaki ang barangay level sa anti-terrorism campaign ng gobyerno. Sa pamamagitan ng pag-a-update ng barangay sa pangalang mga nasasakupang residente, madaling malalaman kung sino ang mga bagong dating o naninirahan. Madali na raw mairereport kung may mga kahina-hinalang mga tao sa barangay.
Maganda ang panukalang ito ng DILG at maaaring makatulong nang malaki sa pagpuksa sa mga terorista. Nararapat lamang na mamonitor ng DILG ang mga barangay na "hudas" at baka sa halip na puksain ang mga terorista ay kupkupin pa.