Walang kaluluwa ang mga miyembro ng tatlong grupong ito sapagkat pumapatay sa mga walang kalaban-labang civilian gamit ang bomba. Damay lahat sa isang iglap na pagsabog.
Ang naganap na pambobomba noong nakaraang linggo sa Makilala, North Cotabato kung saan anim katao ang namatay ay kagagawan ng Jemaah Islamiyah. Ginawa ang pambobomba habang masayang nagdaraos ng piyesta sa munisipyo ang mga tao. Iniwan umano ang bomba sa isang tindahan at sumabog. Cell phone ang ginamit na pang-detonate sa bomba. Ayon sa mga pulis, ang dalawang Indonesian bombers ang nasa likod ng pambobombang iyon. Ang dalawa - sina Dulmatin at Omar Patek ang responsible sa pambobomba sa Bali, Indonesia noong October 2002 na ikinamatay nang mahigit 200 katao karamihay Australians. Ayon sa military, ang pambobomba sa Cotabato ay ganti ni Dulmatin sa pagkakaaresto sa kanyang asawa.
Ang JI ay kinukupkop ng Abu Sayyaf may ilang taon na ang nakararaan. Dito nagtago ang dalawang Indonesians makaraang maminsala sa Bali.
Walang ipinagkaiba ang Sayyaf sa JI. Parehong karahasan ang kanilang pakay. Ang Sayyaf ay marami nang kasalanan sa mamamayang Pilipino. Marami na silang pinatay sa pamamagitan ng pambobomba. Sangkot sila sa Dec. 30, 2000 bombings sa Metro Manila, ferry bombing noong 2004 at Valentine bombing noong 2005. Ang mga pambobombang ito ay nagbunga sa pagkamatay nang mga kawawang sibilyans. Trabaho rin ng Sayyaf ang mangidnap at pumatay. Marami silang pinugutan ng ulo at pati babae ay tinatapyasan ng suso.
Ang Rajah Solaiman Movement ang magsasagawa ng pambombomba sa Metro Manila. Ayon sa military, dalawang bomb makers ng RSM ang nasa Metro Manila at maaaring umatake anumang oras. Nasa red alert ang pulisya at military.
Ang kooperasyon ng mamamayan ay mahalaga sa panahong ito, naghahasik ng lagim ang mga terorista. Kailangan ang maging mapagmatyag. Maging alerto sa mga taong kahina-hinala ang kilos. Maging mapagmasid sa mga kahina-hinalang mga bagay na makikita sa LRT, MRT, mall at mga palengke. Ireport agad ang mga ito.