Dahil sa kanyang taglay na talino at kasipagan, si Tatay Poyet (ang tawag ko sa kanya) ay naging Commissioner at naging Deputy Executive Secretary sa Malacañang. Bagamat siya ay naging isang makapangyarihang tao, alam kong hindi siya nag-abuso sa kanyang poder at nanatili siyang isang simpleng tao na talagang paglilingkod bayan lamang ang inaatupag. Naalala ko pa nang ako ay dumalaw sa kanya noong ako ay isang hamak na kawani lamang, ngunit ang pag-tanggap niya sa akin ay parang isang VIP.
Habang ako ay nakasakay sa eroplano at pinag-iisipan ko ang kinabukasan ng ating bansa, pumasok sa aking isipan na kung sana si Virgilio Garcilliano ay naging katulad lang ni Tay Poyet na matindi ang paggalang sa Constitution, hindi sana nangyari ang ganoon kabigat na dayaan sa nakalipas na election at hindi sana mahantong sa ganitong kaguluhan ang ating bansa.
Ang karamihan ng ating mga mataas na opisyal ngayon ay katulad din ni Tay Poyet na tapat sa kanilang tungkulin, ngunit napakalungkot isipin na ang iba sa kanila ay nakalimutan na ang obligation sa bansa at tila yata ang lahat ng kanilang panahon at pagkilos ay nauuwi na lamang sa pagpapayaman at pangungurakot. Maibabalik pa kaya natin ang panahon na kung saan matino ang pagpapatakbo ng ating gobyerno at ang lahat ng pagkilos at decision ng ating mga officials ay naaayon sa batas? Sana ay huwag tayong mawalan ng pag-asa na mangyayari pa ito.