Ang ginawa ng Ombudsman na pagbalewala sa desisyon ng Supreme Court ay nagpapakita lamang na may "himalang" nangyayari. Maski si dating Senate President Jovito Salonga ay nagimbal sa ginawa ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Merceditas Gutierrez. At kung nagimbal si Salonga, mas lalo ang pagkagimbal na nadama ni Sen. Joker Arroyo. Si Arroyo ang chairman ng Senate blue ribbon committee na nag-iimbestiga sa Mega Pacific deal. Sabi ni Arroyo, hindi raw niya maisip at maintindihan ang nangyayari sa Ombudsman kung bakit nabaligtad ang desisyon. Nawala raw ang respeto ng Ombudsman sa Supreme Court dahil sa ginawa. At paano pa raw magkakaroon ng credible elections sa pamamagitan ng Comelec na pinoprotektahan ng gobyerno.
Hindi lamang ang kakayahan ng Mega Pacific sa pagmomodernisa ng elections ang kinukuwestiyon kaya sinampahan ng kaso sa Ombudsman kundi pati na rin ang maanomalyang bidding na pinasok ng Comelec. Ang halaga ng kontrata sa Mega Pacific ay P1.3 bilyon. Malinaw na may anomalyang nangyari kaya nagdesisyon ang Supreme Court na ibalewala ang kontrata. Inatasan naman ng SC ang Ombudsman na mag-imbestiga sa anomalya. At ito nga ang nangyari, pinawalang sala ng Ombudsman ang mga nasasakdal.
Ano ang nangyayari sa Ombudsman? Hindi pa tapos ang masalimuot na kasong ito na pinasok ng Comelec. Hindi ibig sabihin at nilinis na ng Ombudsman ang mga nasasakdal ay tuloy na ang computerization sa 2007. Baka magkaroon pa ng mga bagong problema kung igigiit ang mga palpak na ACMs ng Mega Pacific.