Sinabi ko kasi sa naunang dalawang column na isang magaling na Professora si Madam Senyora Donya Gloria at kung dito siya humingi ng tulong o advise ay okay pa rin sana siya.
Bakit kanyo hindi, tingnan nyo itong ginawang hakbang sa atin ng Malacañang upang walang maglakas-loob na gumaya sa Thailand.
Una rito ay agaran nilang "pangungumbinsi" sa Kongreso na apurahang ipasa ang extension ng franchise ng Philippine National Construction Company (PNCC).
Hindi pinayagan ang kahit na sinong kongresista na busisiin ang pagbibigay ng extension sa prangkisa ng PNCC. Nais kasing magtanong ng ilang kongresista lalo na yung mga taga Norte dahil lubos na nahihirapan ang kanilang mga constituents sa matinding taas ng toll fees.
Wala silang nagawa at naipilit ni Professora Madam Senyora Donya Gloria ang kanyang kagustuhan at napigilan ang paghimay dito sa isa sa pinakamalaking "deal" na isinagawa nitong PNCC.
Pero bago ang lahat, background tayo ng konti. Ang PNCC ay ang dating mas kilala nating CDCP na pag-aari ng isang "crony" ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Malaki diumano ang utang ng CDCP sa mga kompanyang Hapon bago pa palitan ang pangalan nito at gawing PNCC. Ginawa lamang itong PNCC nang patalsikin ang yumaong diktador.
Binili naman ito, kasama ng mga utang nito ng isang kilalang personalidad na kilalang-kilala bilang kaalyado at malapit na malapit na kaibigan ni Madam Senyora Donya Gloria.
Sa kasalukuyan, nakipagkasundo ang PNCC sa mga pinagkakautangan nito ngunit natuklasan nila na ang utang pala ay lumobo na sa halagang P5 billion dahil sa interest at iba pang danyos.
Taranta muli sila kung saan kukunin ang naturang halaga lalo na at hindi nila inaakalang ganoon na kalaki ang utang na dapat i-settle.
Problema nila kung paano babayaran ang utang hanggang sa makaisip sila ng isang magandang paraan na hindi lang solusyon sa suliranin ng kompanya kung hindi magsisilbi pang panakot at paraan upang gantihan ang ilan sa kanilang kalaban.
Naisip ng magagaling na taong ito na ang solusyon ay sa pamamagitan ng paglipat ng titulo ng lupa ng gusali ng GSIS na ini-reclaim ng CDCP noong panahon ni Marcos at ayon sa kasunduan ay pag-aari ng naturang kompanya. Komo may lupang malaki at mahal, natural may pambayad na. Husay ano?
Komo sinalo na ng PNCC ang CDCP, natural sila na ang may-ari ng reclaimed land na ito kung saan kalahati ng gusaling nakatirik rito ay ang Senado ng Republika ng Pilipinas.
Dahil sa matinding deal na ginawa, lumalabas ngayon na ang may-ari ng Senado ay hindi na GSIS kung hindi isang malapit na malapit na kaibigan ni Madam Senyora Donya Gloria. Komo hindi na GSIS ang may-ari, maaari na ngayong patalsikin ang Senado.
Gaya naman ng mga paaralan natin sa kanayunan, mawawalan ng bahay ang senado na isa sa iilang institution na nananatiling lumalaban sa Malacañang at mapipilitan silang mag-session sa ilalim ng puno o dili kayay diyan sa hagdanan ng Film Center kung saan maraming mga multo ang makikinig sa kanila.
Warning din ito sa iba na madaling mangumpiska ng bahay basta may doctor ng titulo na kakampi naman ni Madam Senyora Donya Gloria.
Isipin niyo kung naituro lamang ito kay Thaksin, malamang crony niya na ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng Hari ng Thailand kaya hindi ito maglalakas loob na bigyan ng basbas ang mga sundalong nag- coup detat at baka mapaalis siya at doon sa ilalim ng puno manatili ang trono.
Pangalawa, ang biglang announcement ni Defense Secretary Avelino Cruz na pagbebenta ng Camp Crame at Camp Aguinaldo kahit na isa siyang mahusay na abogado (kasali ho siya sa THE FIRM) at alam niyang hindi maaari ito dahil kasama sa kondisyon ng mga Ortigas sa pagdo-donate ng mga lupa para sa mga kampo na ibabalik sa kanila ito kung aalisin ang military installations sa dalawang nasabing lugar at gagamitin ito for commercial purpose.
Sorry Thaksin, kung naituro ito agad ni Professora Madam Senyora Donya Gloria ay malamang hindi makarating ang mga tangkeng ginamit laban sayo dahil ilalayo nang husto ang mga kampo at ilalagay malapit na sa border ng Cambodia o Vietnam.
Agad namang nasundan ito ng desisyon ng Korte Suprema na pinalalayas na ng tuluyan ang lahat ng mga retiradong mga heneral at opisyal sa loob ng Fort Bonifacio.
Galing talaga ng timing nila lalo na at alam na alam ng Malacañang na sa hanay ng mga retiradong opisyal at mga junior officers nanggagaling ang pag-alma dahil hindi nila masikmura ang patuloy na pambabastos at pambababoy sa military.
Nagsilbing panakot ito at paalala sa lahat na anumang oras at gaya ng plano sa senado at kampo militar ay kaya nilang gawing squatter ang sinuman at agawin ang lupa ninuman.
Matindi nga naman, magaling talaga. Professor na Madam pa at higit sa lahat Senyora at Donya pa.