Si G. Comia ay residente ng Bgy. Durungao, Bauan, Batangas kung saan siya kasalukuyang nakatira, kasama ang kanyang pamilya at tatlo pang magkakapatid. May kalayuan sa kalsada ang kanilang tirahan at dahil dito ay kailangan nilang makiraan sa isa nilang kapitbahay na umuupa naman sa lupang tinitirahan nito.
Ayon kay G. Comia nagsimula ang kanilang problema nang bawiin na ng may-ari ang lupang tinitirikan ng bahay ng kanilang kapitbahay at nilagyan ng bakod ang naturang lote kung kaya wala na silang madaanan, lalo pa ang sasakyan. Ang resulta sabihin pa, ay labis na paghihirap sa kanilang pamilya, lalo pa nga sa kanilang mga anak na nanganganib pang masugatan sa barbed wire na pinaikot ng may-ari ng lupa sa kanilang orihinal na dinaraanan.
Sinikap niyang makipag-usap sa may-ari ng lupa subalit tumanggi ito at kahit nga bayad ay ayaw umanong tumanggap upang mabigyan sila ng right of way at sa bagay na ito, hinihingi ni G. Comia ang tulong ng aking opisina.
G. Comia, inatasan ko na po ang aking mga staff na pag-aralang mabuti ang bagay na ito bago pa man nila tawagan ang may-ari ng lupa na sinasabi ninyo upang mabilis na makahanap ng solusyon sa inilapit ninyong problema.
Umasa po kayo na sa mga darating na araw ay aasikasuhin ko ang problemang inilapit ninyo. Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtangkilik at pagsuporta sa akin at sa aking pamilya.