EDITORYAL — Piliin ang mga pulis na ilalagay sa PDEA

HINDI na marahil masosolb ang problema ng illegal drugs sa bansa. Kahit na paulit-ulit magbanta si President Arroyo ay tila mahirap nang masolusyunan ang problema. Paano masosolusyunan kung ang mga inaasahang susugpo sa illegal drugs ay nakikinabang at pinagkakaperahan. Maraming alagad ng batas ang sangkot sa pagkalat ng illegal na droga at nakapangangamba na sa mga darating na araw o panahon, mga drug lord na ang magpapatakbo ng Pilipinas.

Ngayo’y mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasasangkot sa pagkawala nang ebidensiyang shabu. At sinabi mismo ni PDEA chief Dir. Dionisio Santiago na marami pang agents nang pinamumunuan niyang ahensiya ang sangkot sa shabu.

Hindi na maganda ang nangyayari sa PDEA na ang mga agents mismo ang sangkot. Mauubos ang mga ebidensiyang shabu sa PDEA kapag hindi nasibak ang mga agents. At kapag nangyari ‘yan, lalo pang darami ang adik sa shabu. Irerecycle lamang ang shabu at pera na naman. Hindi na malulutas ang problema sa illegal drug at lulubha pa. Maraming kabataan pa ang masisira ang buhay.

Kumikita nang limpak ang mga ahente ng PDEA sa kanilang ninanakaw na shabu. Hindi nila pakikialaman ang shabu kung hindi sila kumikita. At sa aming palagay, matagal nang nagnanakaw ang mga bugok na ahente ng PDEA at ngayon lamang natuklasan ni Director Santiago. Marami nang napera ang mga bugok dahil sa pagbebenta ng shabu.

Nagsimula ang kontrobersiya sa PDEA nang madiskubre ang pagnanakaw ng pitong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng milyong piso. Ginamitan ng bolt cutter ang kandado ng bodegang kinalalagyan ng mga ebidensiyang shabu. Apat na pulis at dalawang guwardiya ang sangkot sa pagnanakaw. Kumanta ang mga guwardiya at sinabing ang apat na pulis-PDEA ang nagnakaw. Ang dalawa sa mga pulis-PDEA ay may ranggong colonel.

Nararapat nang gumawa ng hakbang si San- tiago para mawalis sa PDEA ang mga bugok na pulis. Hindi kailangan sa ahensiya ang mga bantay-salakay. Nararapat na rin namang maging maingat ang PNP sa pagtanggap ng mga pulis na ia-assign naman sa PDEA. Dapat na idaan sa mahigpit na pagsusuri ang mga pulis para masigurong hindi sila masisilaw ng perang galing sa droga.

Show comments