Mahigit 42,000 nursing graduates ang kumuha ng exam noong June 2006 at 17,800 ang pumasa. Subalit umalingasaw ang pandaraya. Nagkaroon ng leakage. Sangkot ang mga opisyal ng nursing board at ilang review center. Nagkaroon ng imbestigasyon pero hanggang ngayon ay wala pang nangyayari. Ang Professional Regulation Commission (PRC) ay ura-uradang pinanumpa ang mga nakapasa subalit marami ang nagsampa ng reklamo. Agad na pinatigil ng korte ang oath taking ng mga nakapasang nurses.
Kung ipatutupad ang pagbibigay ng bagong licensure exam, mas mabuti kung ulitin na ito nang buung-buo. Kailangan ay maging malinis na ang gagawing examination para naman lubusang maisalba ang nursing profession. Huwag nang hayaan pa ang mga dating official o miyembro ng nursing board na makialam sa pagbibigay ng bagong exam. Hindi na rin dapat hayaan ang mga miyembro ng nursing board na may sariling review center na muling makasawsaw sa uuliting exam.
Ulitin ang exam pero huwag din namang kalimutan na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa leakage. Nararapat na malaman kung sino ang nasa likod ng leakage at kung mapapatunayan, parusahan sila nang mabigat. Hindi sila dapat makalusot sa batas. Sila ang dahilan kung bakit nagkaroon ng batik ang nursing profession. Kung magkakaroon ng katuparan ang muling pagtake ng exam at maipagpapatuloy ang imbestigasyon sa leakage maaaring maibangon ang nabahirang imahe ng nursing profession. Hindi na sila pandidirihan.