Pag-alis pa lamang sa Pilipinas, dapat ay bawasan mo na kaagad ang ego mo dahil ang treatment sa iyo ay para kang suspected criminal sapagkat ipapalabas ang lahat ng laman ng bulsa mo pati sinturon, pitaka. Sapatos at medyas ay ipatatanggal sa iyo. Dadaan sa x-ray ang lahat ng mga maleta pati na overnight bags o make-up bags. Mahigpit sila ngayon sa pabango, shampoo o anything liquid pati na plain water.
Ang malas naman at natiyempo ang biyahe ko sa iba ibang lugar sa abroad ngayong Setyembre. Mahigpit sila dahil anibersaryo ng 9/11 at naging aktibo ang mga terorista sa ibat ibang lugar ng mundo lalo na sa Great Britain at USA. Nakatanggap ang mga ito ng intelligence report na pasasabugin ang mga eroplano na lilipad mula sa Britain patungong ibat ibang lugar ng US sa pamamagitan ng liquid bombs. Wow, talaga namang sobrang nagkahigpitan ang seguridad sa dalawang bansa. Pati ibang bansa ay sumama na rin sa paghihigpit kung kaya lalong naging grabe ang pagbibiyahe.
Dumagdag pa para humigpit ang seguridad sa pagbibiyahe nang magkaroon ng kudeta sa Thailand noong nakaraang Martes. Maraming biyahero at turista na hindi kaagad nakaalis ng Thailand dahil sa kudeta. Pati Pilipinas ay naapektuhan ng nangyaring kudeta sa Thailand dahil sa nababalita na may magaganap ding kudeta sa Pilipinas kaya maraming turista ang umiiwas na munang pumunta sa Pilipinas.
Hindi naman yata tama ito. Komo ba may nangyaring kudeta sa Thailand, magkakakudeta na rin sa Pilipinas? Marami ang naniniwala na hindi mangyayari ito ngayon sa Pilipinas. Kontrolado na ni GMA ang sitwasyon sa bansa. Loyal sa Konstitusyon ang military at pulisya. Bow sila kay GMA. Malayo nang magkaroon ng kudeta sa Pilipinas. Susubukan kong ukilkilin ang paksang ito sa mga susunod na kolum.