Mula nang maupo si Mrs. Arroyo noong 2001, lumobo ang bilang ng mga aktibista o miyembro ng leftist group na dinudukot at pinapatay. Ang sunud-sunod na pagpatay sa mga aktibista at mama- mahayag ay nakaalarma sa mga mapanuring mata ng ibang bansa gaya ng France, at binatikos ang Arroyo administration. Hinihiling ang mabilisang imbestigasyon sa pagpatay.
Ang military ang itinuturong nagsasagawa ng pagpatay sa mga leftist group. Umanoy kagagawan ni Army Major Gen. Jovito Palparan ang mga nangyayaring pagpatay. Siya ang itinuturong "utak" ng mga sunud-sunod na pagpatay. "Berdugo" kung tawagin si Palparan. Ang akusasyon ay mariin namang itinanggi ni Palparan. Propaganda lamang umano ang pagdadawit sa kanyang pangalan sa mga nangyaring pagpatay. Itinuro pa niya mismo ang NPA na nasa likod ng pagpatay sa mga sariling kasamahan.
At tila nagdidilang-anghel si Palparan sapagkat natagpuan ng mga sundalo ang isang mass graves sa Southern Leyte na kinaroroonan nang daang kalansay. Hinala ay doon inilibing ang mga biktima ng NPA. Sabi pa, maaaring mga kasamahan din nila ang mga nakalibing at meron din namang sibilyan na tumatangging magbigay ng revolutionary taxes.
Tinawag na "The Garden" ang lugar subalit mas akmang tawaging "killing fields" dahil sa dami nang nakatambak na bungo at kalansay. Naniniwala ang mga awtoridad na biktima ng dating NPA commander ang mga nakitang kalansay. Mariin namang itinanggi ng NPA ang tungkol sa "The Garden". Wala silang alam tungkol dito.
Matatapos sa December ang imbestigasyon ng Melo Commission. At tila positibo ang commission na may magandang mararating. Mabuti kung ganoon. Pero paano naman ang mga pagpatay na ginawa ng NPA sa mga sibilyan?
Ang mga nagaganap na pagpatay ay nararapat na magkaroon ng masusi at mabilisang imbestigasyon. Hindi dapat ipagwalambahala. Dapat managot ang mga mamamatay-tao.