Sa mga hindi nakabasa ng aking nakaraang kolum, si Gina ang ina ni Aljay, ang tatlong taong gulang na bata mula pa sa Catbalogan, Samar, na namatay noong nakaraang linggo sa tuberkulosis at iba pang kumplikasyon sa katawan dala naman ng matinding malnutrisyon.
At dahil isang ina, lakas loob na nakipagsapalaran si Gina sa Maynila upang kumatok sa mga taong may mababait na kalooban upang tulungan siyang maisalba ang buhay ng kanyang anak. Sa kasamaang palad, huli na ang lahat kung kaya hindi na nagawan ng paraan ng mga doktor sa Philippine General Hospital na maisalba ang buhay ni Aljay.
Nagkaganito man, bago tuluyang bumalik sa Samar si Gina ay tinagubilinan ko ang aking mga staff na tiyaking mabigyan ng gabay si Gina upang makahanap ng trabahong puwedeng ipambuhay niya sa dalawa pang anak.
Muli, sa ganitong mga pangyayari, ako, hindi lang bilang isang doktora, bagkus, bilang isang ina rin, ay labis na nalulungkot.
Kaya nga, bagaman inaamin ko na hindi talaga ako pulitiko at walang interes sa pulitika, ang aking pagnanais na maingat ang kabuhayan at mabigyang pag-asa ang mga taong katulad ni Gina ang ilan sa mga motibasyon kung bakit muli akong tumakbo sa Senado sa darating na halalan.
Sa dakong huli kasi, sino ba ang mas higit na makauunawa sa kalagayan ng kababaihan, hindi ba ang mga tulad ko ring babae?