Kailangan ng Maynila, isang Lacson

NOONG Huwebes ho ay muli akong sumama sa Kunsultahang Bayan ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson sa ikatlong distrito ng Maynila kung saan dinagsa siya ng mga leader at ordinaryong mamamayan na nais siyang masilayan.

Ikatlong kunsultahang bayan ito ni Sen. Ping sa Maynila at ikatlong pagdalo ko rin na nangangahulugang complete attendance ako. Perfect attendance pa. Sisikapin kong sa lahat ng susunod pang mga kunsultahang bayan ay makadalo rin ako dahil katulad ko ang layunin ni Sen. Ping na marinig direkta sa mga residente ng Maynila ang suliranin nila sa kani-kanilang lugar.

Of course ang isa pang dahilan ay mahal ko po ang Lungsod ng Maynila. Diyan ako pinanganak, diyan ako lumaki, diyan ako gumala, diyan ako nag-aral, diyan din ako natuto ng mga kalokohan at ultimo sa panahong ito na marami ng mga malalaking mall ay mas enjoy pa rin akong kumain diyan sa Chinatown, mamili sa Divisoria at sa totoo lang maglakad sa Luneta na ngayon ay mas kilala na bilang Rizal park. Sa madaling salita, diyan ako inugatan.

Naalala ko na ang unang zoo na aking napasyalan ay ang Manila Zoo kung saan may elepante pa at giraffe. Malulusog pa noon ang mga hayop at hindi kagaya ngayon na mukhang hindi yata regular na napapakain o napapaliguan man lang.

Ang pangunahing puntahan ng karamihan kung magsisine ay Avenida na ngayon ay kilala bilang Rizal avenue. Hele-helera ang sinehan hanggang sa C.M. Recto at pag gusto mo naman ng mga kung fu movies ay sa Chinatown, sa King’s at isa pang sinehan na hindi ko na maalala.

Tandang-tanda ko rin na bakasyon grande sa akin ang sumama kay Papa at Mama kung Sabado o Linggo dahil tiyak na dadaan kami sa Makong (Masuki ngayon) para kumain ng super laking siopao at mami o di kaya’y Maki Mi ng Manoza.

Wala akong takot na maglakad o di kaya’y sumakay ng kalesa dahil bagama’t dinarayo talaga ang Maynila noon ng turista hindi lang local kung hindi pati international, isa ito sa pinakatahimik at magandang siyudad sa buong Asya.

Ngayon, nananatiling isang alaala na lamang ang mga ito. Nawala na ang ganda ng Maynila pero matindi rito, ang karamihan sa mga Manilenyo na noon ay kinaiinggitan ay nabubuhay sa takot dahil sa patuloy na pagtaas ng krimen na kagagawan ng mga durugistang hindi masupil ng mga pulis na nananatiling nasa payola ng mga drug lord.

Hikahos din ang karamihan, hindi matiyak ultimo ang susunod na kakainin at lalong higit ang pag-aaral ng mga kabataan. Marami ang walang trabaho pangmatagalan at nagsilayas na rin ang mga malalaking negosyong hindi na makayanan ang patuloy na pangingikil ng mga corrupt na official, bukod pa sa patumal na patumal na negosyo.

Mga public ospital naman na dati-rati ay malinis at maayos ay ni walang gamot ngayon at gayundin ang mga paaralan kung saan sobra ang lambing ng lahat at share and share alike ang walong estudyante sa isang libro.

Mga truck, jeepney at pedicab drivers naman ay may "bayad" din kada biyahe, kada linggo o kada araw sa mga Manila’s Finest o mga traffic aide ng city hall na naghihingi na, nananakot at nananakit pa.

Ganoon din ang kotongan na lantaran na ngayong ginagawa laban sa mga vendors at pati mga stallholders na nagbabayad naman ng tamang renta. Matindi pa nito, bukod sa regular na kotong sa kanila, madalas pa silang hingan ng libreng pagkain o paninda.

Malalang-malala ang suliranin ng Maynila at kahit na anong pagpapaganda basta parang make-up lang ang gagawin ay hindi magiging solusyon. Kahit na ilang libong buhayin ang Maynila ang gawin, useless dahil hindi naman inaalis ang corruption, ang ugat ng lahat ng suliranin.

Tanging solusyon na nakikita ko, magkaroon siya ng pamunuang gagawin ang dapat. Alkaldeng ititigil ang lahat ng uri ng corruption, lalo na ang pangungurakot ng mga pulis at pagsugpo sa lahat ng uri ng krimen, lalo na droga, upang ibalik ang tiwala ng mangangalakal na magbibigay muli ng trabaho at kinabukasan sa mga Manilenyo.

Isang lider na ilalagay sa ospital, paaralan at basic services ang malaking porsyento ng buwis na nakokolekta at hindi sa sariling bulsa kapalit ng tamang pangongolekta ng taxes.

Isang katulad ni Mayor Arsenio Lacson, SO GOOD, SANA PAREHO RIN ANG KASUNOD!!!
* * *
Siyanga pala, survey nga tayo sa mga Manilenyo, text ho ninyo sino ang gusto n’yong maging mayor at vice mayor ninyo sa 2007. Isama n’yo lang ho ang pangalan, edad at tirahan ninyo para ma-verify natin.
* * *
Paumanhin nga pala sa mga nagpadala ng mga iba’t ibang katiwalian sa pamamagitan ng text messages at e-mails dahil kinulang na ho ako ng espasyo. Huwag ho kayong mag-alala, sa susunod na linggo ay ilalabas ko yan. Kung kailangan ho ay isang column kada linggo ay ibibigay ko para sa mga corruptions na naglipana, sana lang may natitira pa silang hiya at tumigil-tigil sila.

Siyanga pala, binabati ko sina Ginoong Boy Sy, pangulo ng Kagawad in Action at mga kasamahan niya sa third district ng Manila at si Mar Canonigo ng Be Not Afraid Movement. Keep Up the Good Work!
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments