Huwag maging mangmang

NANINIWALA ba kayo na may mga pumapasok sa paaralan, o di kaya’y nakapagtapos ng pag-aaral, na patuloy na nagiging mangmang? Ang kanilang pinag-aaralan ay maaaring mga nasa libro lang o di-kaya’y naituro sa kanila ng mga guro, subalit ang ganitong kaalaman ay hindi nila ginagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay. At magamit man nila ang kanilang pinag-aralan, ito naman ay taliwas sa tunay na kahalagahan ng wastong pamumuhay.

Mainam na pagnilayan natin ang mga sinasabi sa Ikalawang Pagbasa ngayong araw na ito ng Ika-20 Linggo sa Ordinaryong Panahon ng ating liturhiya. Ito ay mula sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso (Efeso 5:15-20).

"Kaya ingatan ninyo kung paano kayo mamuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at hindi tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.


"Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ni Panginoong Jesus."

Ang sekreto sa pag-alis ng kamangmangan ay ang unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon para sa atin. At ang pag-unawang ito ay makakamtan natin sa pamamagitan ng patuloy na pananalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesus.

Show comments