Ang planong paglalayag ng dalawang barko ay orihinal na plano mismo ng hepe ng Coast Guard. Maaari raw gamitin ang dalawang barko nila. Mabuting ideya na ang hangarin ay makatulong sa paglilikas ng mga OFW pero hindi naman naisip kung gaanong panganib at gastos ang susuungin. Baka sa gastos sa fuel ng dalawang barko ay mahirapan ang gobyerno at mas mura pa kung aarkila nang mas malaking barko. Hindi kaya naisip ng pinuno ng Coast Guard ang ganitong mga problema at ura-urada ay prisintado. Ayon sa mga may nalalaman sa paglalayag, mahihirapan ang dalawang barko kapag nagdaraan na sa Indian Ocean sapagkat masasalubong ang mga nagngangalit na bagyo. At dahil maliit ang dalawang barko, paglalaruan lamang ang mga ito ng malalaking alon at hangin. Umanoy may taas na 10 palapag na building ang alon sa Indian Ocean kapag may bagyo. Tiyak na hindi makararating sa Lebanon ang dalawang barko. Dudurugin sila ng kalikasan.
Gagastos nang malaki ang pamahalaan kung natuloy ang balak. At bukod sa gastos, maaari pang may magbuwis ng buhay sakali at makasagupa ng bagyo sa laot sa kanilang paglalayag. Kaya ang mangyayari, nagkagastos na ay nalagasan pa ng buhay.
Sa halip na mamroblema ang Coast Guard sa pagsundo sa mga OFW, ipaubaya nila ito sa Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA). Ang OWWA ang dapat mamroblema sa OFWs sapagkat sila ang naghahawak ng pera na kinakaltas sa mga umaalis na workers. Sinabi naman nila na intact ang pera at nakalaan ito sa repatriation ng mga OFW.
OWWA ang may responsible sa paglilikas ng mga OFW at wala nang iba pa. Sila ang dapat magpasan ng problema.