Mahinang depensa

KABILANG sina Bert, Bernie, Manny, Rey, Alex, Ed at Gary sa "work pool" ng ACD mula 1976 hanggang 1992. Sa nasabing work pool kumukuha ang ACD ng mga manggagawa, operator ng pison, nagpipinta at drayber para sa iba’t ibang proyekto nito. Paulit-ulit na inaarkila ang grupo ni Bert sa loob ng 18 taon hanggang dumating ang panahong hindi na kinailangan ng ACD ang kanilang serbisyo.

Dahil sa nangyari, naghain sa Labor Arbiter (LA) ng NLRC ang grupo ni Bert ng reklamong illegal dismissal, non-payment of 13th month pay, service incentive leave pay, premium pay for holidays at rest days, pati na ang moral at exemplary damages, laban sa ACD at sa General Manager nitong si Oscar. Ngunit itinanggi ng ACD at ni Oscar ang pananagutan nito sa grupo ni Bert. Iginiit nila na ang grupo ni Bert ay mga project employees dahil ang serbisyo ng mga ito ay kailangan lamang kapag may proyekto ang kompanya. Bilang project employees, ang serbisyo ng grupo ni Bert ay nakadepende sa pagkakaroon ng proyekto ng ACD. At dahil hindi sila regular na empleyado, walang seguridad ang kanilang pananatili sa kompanya at kapag sila ay tinanggal sa serbisyo, walang matanggap na separation pay ang mga ito.

Gayunpaman, idineklara ng LA na regular na empleyado ang grupo ni Bert dahil kabilang sila sa isang "work pool" kung saan kumukuha ang ACD ng trabahador para sa iba’t ibang proyekto nito sa loob ng 18 taon. Napatunayan din ng LA na ilegal ang pagdismis ng ACD kaya inatasan ito na ibalik sa serbisyo sina Bert at bayaran ang backwages ng mga ito. Iginawad din ng LA sa grupo ni Bert ang salary differentials, service incentive leave pay at 13th month pay. Ang desisyong ito ay sinang-ayunan ng NLRC.

Sa apela sa Court of Appeals (CA), iginiit ng ACD at ni Oscar na wala silang pananagutan sa ilegal na pagtatanggal dahil ang serbisyo ng grupo ni Bert ay pansamantalang naantala lamang hanggang sa magpatuloy muli ang operasyon ng negosyo ng ACD. Subalit dinismis ng CA ang apela ng ACD at kinumpirma ang desisyon ng LA at ng NLRC. Ayon sa CA, hindi na maaaring magbigay pa ang ACD at si Oscar ng panibagong depensa. Tama ba ang LA, NLRC at CA na ituring ang grupo ni Bert na regular na mga empleyado?

TAMA.
Sina Bert at mga kasamahan nito ay mga regular na empleyado ng ACD. Subalit mali ang naging batayan ng LA, NLRC at CA dahil ang haba sa serbisyo ng grupo ni Bert ay hindi nangangahulugang estadong regular sa trabaho. Hindi rin maaaring batayan ang pagiging miyembro ng "work pool" dahil ang mga miyembro nito ay maaaring project o regular na empleyado.

Sa katunayan, ang pangunahing batayan ng estado ng isang manggagawa ay ang nilalaman ng kasunduan ng empleyo nito. Kailangang malinaw na ipinahayag sa manggagawa ang klase ng magiging trabaho nito sa si-mula pa lamang ng kanilang empleyo. Subalit sa kasong ito, walang naisagawang kasunduan sa pagitan ng ACD at sa grupo ni Bert. Pabago-bago rin ang naging depensa ng ACD sa tunay na relasyon nito sa grupo nina Bert.

At dahil walang sapat na patunay na project employees sina Bert, maituturing na sila ay mga regular na emple-yado ng ACD (Abesco and Banson vs. Ramirez et.al. G.R. 141168, April 10, 2006).

Show comments