Tama ang mga opisyal ng gobyerno na hindi pa dapat magpadala ang Pilipinas ng tropa roon. Masyado pang maaga. At saka hindi pa naman buong Lebanon ang apektado ng pambobomba ng Israel. South Lebanon lamang ang binobomba ng Israel sapagkat ang lugar na iyon ang stronghold ng Hezbollah.
Ang mas dapat pagtuunan ngayon ng mga mambabatas ay kung paano mapagtutulungang ilikas ang mga OFW sa Souhtern Lebanon, na ayon sa report ay may mga Pilipino pang naroroon. Mahigit pa lamang 1,000 Pinoy workers ang naiilikas at karamihan sa mga ito ay domestic helpers. Marami umano sa mga domestic helpers ang patuloy pa ring pinipigilan ng kanilang mga amo sa kabila na sunud-sunod na ang pambobomba. May mga domestic helper na nagdadaan sa bintana ng bahay para lamang makaalis sa bahay at nang makaiwas sa pambobomba. Pagkukuwento pa ng mga domestic helper na dumating, hindi raw nila malaman kung saan magtatago kapag umikot na ang eroplanong Israeli na nagbabagsak ng bomba. Hindi nila maipaliwanag ang nadaramang takot. Nakahinga lamang daw sila nang maluwag nang makarating na rito sa Pilipinas.
Nagiging malaking isyu ang pondong gagamitin sa paglilikas ng OFWs sa Lebanon. Sabi ni Ambassador Al Francis Bichara na kinakapos na ang pondo para sa paglilikas ng mga OFW subalit sabi naman ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) may sapat na pondo ang gobyerno. Dahil sa sinabi ni Bichara nagkukulang na ang pondo sa Lebanon, nag-iimbestiga na ang Senado ukol dito. Pero hindi dumalo ang mga government official sa imbestigasyon ng Senado. Abala raw sa ginagawang paglilikas sa mga OFW.
Pagpapadala ng sundalo at pagsasaliksik sa pondo ang pinagkakaabalahan ng mga mambabatas. Okey ang mga hakbanging ito pero ngayong lumalala ang labanan sa Lebanon, walang dapat pagtuunan ng pansin ang lahat kundi ang kaligtasan ng mga manggagawang Pinoy. Ang buhay nila ang mahalaga at wala nang iba pa.