Nadiskubre ko na kulang na kulang pala ang tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan sa OFWs. Marami sa OFWs ang minamaltrato ng kanilang mga amo. May mga nire-rape, hindi pinakakain, hindi pinasusuweldo.
Ano bang klaseng pagtingin ito sa mga "bagong bayani" na malaki ang naitutulong sa bansa? Bakit hindi suklian ang kanilang pagsasakripisyo? Bakit hindi sila arugain gayong malaki ang kanilang naitutulong sa kabuhayan ng Pilipinas dahil sa ipinadadala nilang pera.
Dapat mahiya ang gobyerno sa nangyayaring ito. Dapat ay may plano sila sa paglilikas ng OFWs sakali at may biglaang nangyayari gaya ng pagsiklab ng giyera. Magkaroon din sana ng unemployment financial assistance. Dapat alagaan ang mga tinatawag na mga "bagong bayani" na nagpapasok ng humigit-kumulang na $10 bilyon taun-taon sa pamamagitan ng remittances.