Bago pa ang paninisi ni Lapus sa mga inaakala niyang dahilan ng pagkabobo ng mga estudyante sa English, ipinagpauna na niyang sinabi na ibabalik ang English bilang primary medium ng instruction sa mga eskuwelahan. Palalakasin daw ang English kagaya noong dekada 70. Gayunman mananatili raw ang Filipino bilang subject at ito pa rin ang gagamitin sa pagtuturo ng Math at iba pang subject.
Ano pa kaya ang isusunod na sisisihin ni Lapus kaya maraming bobong estudyante sa English? Hindi kaya sisihin na rin niya ang text messaging kung saan pawang Filipino ang gamit sa pagti-text at pinaikli pa? Hindi kaya sisihin na rin niya ang pagkakaroon ng mga websites na pawang tungkol sa Filipino ang mababasa?
Hindi masama ang hangarin ni Lapus na maibalik ang husay ng mga Pilipino sa pagsasalita ng English pero hindi rin naman dapat niyang isisi sa paggamit ng Filipino kaya nawala ito. Ang mas dapat pagsikapan ni Lapus ay kung paano makapagha-hire ng mga teachers na mahusay sa English. Masakit malaman subalit ang kawalan ng mga gurong may kasanayan sa English ang problema ngayon. Paano huhusay sa pagsasalita ng English ang mga bata kung ang magtuturo ay wala namang kasanayan dito.
Dapat din munang isipin ni Lapus kung mayroon bang sapat na budget ang DepEd para makapag-hire ng mga teachers na mahusay hindi lamang sa English kundi pati na rin sa Science at Math? Masyadong mababa ang suweldo ng mga guro kaya naman marami ang nagsisipag-aplay na domestic helper o caregiver sa ibang bansa. Mas may kinabukasan sila sa ibang bansa kaysa magturo rito na kakarampot ang suweldo.
Hindi dapat isisi sa mga English movies na isina-Filipino ang kabobohan ng mga estudyante kundi sa kawalan ng kakayahan ng DepEd na makakuha ng mahuhusay na English teachers.