Hindi tamang husgahan lahat ng kalahi batay lang sa kilos nina Aquino at Aragoncillo. Hindi lahat ng Pinoy na nagti-TNT sa America ay dating pulis na tulad ni Aquino na umiiwas sa kasong double murder at kidnapping sa Manila. Hindi lahat ng Fil-Am ay aabusuhin ang pagka-intelligence analyst at dating US Marine na tulad ni Aragoncillo para pagkakuwartahan ang pagpasa ng sekreto sa mga politiko sa Maynila. Pero kabaligtaran ang mangyayari: May mga Amerikano lalo na mga puti na di-maitatatwang naghahari na lalahatin ang mga Pinoy at ihahalintulad sa dalawang aminadong magnanakaw ng papeles. At ang masaklap na kauuwian nito ay diskriminsayon sa Pinoy.
Nung World War II, hindi lang basta iniwasan ng Amerikang magtalaga ng Hapones sa pagpaplanong militar, kundi ipinakulong pa nga ang mga Japanese-Americans. Ngayong may giyera sa Iraq at Afghanistan, hindi lang basta ini-screen ang mga mukhang Arabo at Central Asian sa matataas na opisina, kundi pinag-iinitan sa airports, iskuwela, at trabaho.
Totoo ang racial stereotyping at discrimination sa America. Sinikap ng mga kayumanggi na labanan ito at umangat sa lipunang dominado ng mga puti. Umangat ang ilan sa maseselang puwesto. Pero karamihan ng mga Pinoy, balik ngayon sa kusina dahil kina Aquino at Aragoncillo.