Kawawa ang bansa

Kahabag-habag na itong ating bansa

Dahil sa ang tao’y kanya-kanyang nasa;

Mga lider nati’y walang ginagawa

Kundi magpunahan at saka manira!

Sasabog ang bulkan, may baha, may bagyo

Walang ginagawa mga pulitiko;

Sa halip tumulong sa gawang-sibiko

Ang iginigiit —- sila ay manggulo!

Kitang-kita naman ang mga disaster

Hindi kumikilos ang mga karakter;

Tanging mahalaga sila ay mapansin

Baluktot na hangad papangibabawin!

Halimbawa’y doon sa Bicol at Baguio

Walang tumutulong sa mga binagyo;

Kilalang magaling mga tao rito

Nakapagtatakang laging nasa Metro!

Masasabi pa ring isang halimbawa

Sa Ilocos region na ngayo’y may baha;

Mga pulitikong diyan ay sagana

Dapat ay kumilos -— magbigay-biyaya!

Pero manhid pa rin lider-pulitiko

Mga kalamidad asa lang sa tao;

Ang tanging agenda’y maupo sa trono

Gayong itong bansa’y bagsak na at lumpo!

Sa halip ganito dapat ay tumulong

Mga pulitikong pera’y bumabalong;

Huwag ninyong lansihin bayang papaurong

Sa inyong adhika’t naiibang layon!

Hirap na hirap na itong ating bayan

Sa maraming dusang dulot-kalikasan;

Mga lider natin ay nagsusuwagan

Kaya ang ligaya’y malayong makamtan!

Sa sistemang ito’y anong dapat gawin

Nitong sambayanang sa dusa’y gupiling?

Ah, marapat lamang tayo’y manalangin

Lahing Pilipino’y magbagong damdamin!

Show comments