Mahigit 30,000 ang mga OFW sa Lebanon at ang naililikas pa lamang ay mahigit 600. Pakonti-konti ang paglilikas ng mga OFW na labis namang nakapagtataka sapagkat mayroon namang pondo sa repatriation ayon sa Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA). Ayon sa OWWA, P8 bilyon ang pondo nila para sa mga ililikas na OFW.
Lalo nang naging mainit ang isyu sa pondo ng OWWA nang sabihin ni Philippine ambassador sa Lebanon Alfrancis Bichara na wala nang pondo para sa mga OFW at naghihintay pa sila ng bagong pondo na manggagaling sa Maynila. Ibig sabihin, hindi nakahanda ang gobyerno sa biglaang pangangailangan ng mga OFWs. Kung kailan sumiklab na ang kaguluhan saka lamang sila nagkukumahog. Nasaan kung ganoon ang pondong bilyones na dapat ay nakahanda na bago pa man lumala ang sitwasyon sa Lebanon. Marami sa mga foreign nationals ang matagal nang nailikas ng kani-kanilang mga embahada roon samantalang ang mga OFWs ay dinadala muna sa isang simbahang Katoliko sa Beirut at saka lamang pakonti-konting dinadala sa Syria. Kung may nakahandang pondo, maaaring gawing minsanan ang paglilikas.
Inutil ang embahada sa Lebanon sapagkat hindi sila makagawa ng opisyal na listahan ng mga OFWs na nasa bansang iyon. Anong silbi ng embahada kung hindi naman nagagampanan ang tungkulin sa mga Pilipino roon? Kung hindi pa kay Fr. Advincula, isang paring Pinoy sa Beirut, walang kukupkop sa mga OFW na tinagurian pa namang mga "bagong bayani".
Kung totoong may pondong P8 bilyon para sa mga OFW, ibuhos na ito nang todo para naman mailikas na ang lahat ng Pinoy na naiipit ng labanan sa Lebanon. Huwag nang hintayin pang may mamatay o masugatang Pinoy doon. Hindi dapat isama ang pulitika sa paglilikas ng mga OFW sapagkat buhay ang nakataya rito.