Mahigit 2,000 pasyente ang nabiyayaan ng libreng gamutan, dental, mga gamot at vitamins sa mga mahihirap na mga mamamayan sa mga kalapit na barangay ng Port Area, Manila. At maging ang 400 newsboys ay nabiyayaan din ng naturang proyekto.
Alas-8 ng umaga nang simulan ang "Megamutan". Nang sandaling iyon ay malakas ang ulan dahil sa bagyo, ngunit hindi alintana ng mga pasyente ang ulan kung kayat maging ang lobby ng aming kompanya ay nagamit na silungan ng mga tao at pilahan upang makakuha ng numero para sa kanilang konsultasyon.
Ang mga matiyagang mga doctor na nagbigay ng kanilang libreng serbisyo ay nagmula pa sa St. Lukes Medical Center, Infant Jesus Hospital, AMOSUP Seamens Hospital, Cardinal Santos Medical Center, Malacañang Clinic, Ospital ng Makati at EGM Dental Clinic na pawang bihasa sa larangan ng medisina.
Ang buong grupo naman ng Damayan Foundation ay tulong-tulong sa pag-asikaso sa mga pasyente at maging sa pagbibigay ng mga gamot na inireseta ng mga doctor kung kayat naging mabilis at matiwasay ang daloy ng pila. Nagtulong-tulong din ang grupo sa pagluluto ng sopas at paghahanda ng fruit juice na ipinamamahagi sa mga kabataan at maging sa mga matatanda na nakapila sa registration kung kayat ang lahat ay busog na busog.
Para sa kaalaman nyo mga suki, ang naturang medical mission ay bahagi lamang ng programang sinimulan noon pa ni yumaong Betty Go Belmonte, ang tinaguriang Ina ng mga pahayagang The Philippine STAR, Pilipino Star NGAYON at PM PangMasa na sa kasalukuyan ay higit na pinalawak ng kanyang anak na si Miguel Go Belmonte, ang over all chairman ng Damayan Foundation.
(May karugtong pa sa Biyernes)