Sinundan din ito ng mga kasamahan namin sa media at maging sa mga malalaking news network.
Malaking tulong ang nagawa ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa pamumuno ni Chairman Dante Jimenez na agaran naman niyang inaksyunan.
Agad nabigyan ang biktimang si "Baby" ng abogado sa katauhan ni Atty. Pete Prinsipe, na siyang responsible sa pagbitay kay Leo Echegaray.
Kabaliktaran ito sa naging aksyon ng grupong kababaihang Gabriela nang inilapit namin ang kasong ito.
Sa unang paghaharap namin sa Gabriela kasama ang biktimang si "Baby" at kanyang ina, nangako sila na tutulong at susuportahan nila ang biktima.
Pero sa mga sumunod na araw upang kumpirmahin ang tulong ng Gabriela sa biktimang si "Baby", hindi na sila mahagilap.
Pawang kaplastikahan ang nasaksihan namin nung araw na pumorma sila sa harap ng aming camera.
Mas malaki kasi ang saklaw ng media na nakukuha ng Gabriela sa kasong panghahalay kay "Nicole" ng mga Amerikanong sundalo sa Subic kaysa sa pobreng si "Baby" na isang mahirap lang, at ang mga nanghalay, mga Pinoy at hindi mga kano.
Hindi namin nakitaan ng interes ang Gabriela sa kaso ni "Baby", kayat hindi kami nagkamali na sa VACC na lamang ilapit ang kasong ito.
Hindi marunong pumili ng kulay ang BITAG, puti man ito o kayumanggi partikular sa kasong panggagahasa. Ang mailantad ang katotohanan at maparusahan ang mga sangkot sa ganitong uring krimen ang pangunahing layunin ng BITAG.