Magreklamo man tayo at magprotesta sa lansangan, walang magagawa ang ating pamahalaan. Maraming nagaganap na tensyon sa Gitnang Silangan na pinagmumulan ng krudong langis.
Itoy setback sa pamahalaang Arroyo. Hindi man kasalanan ng administrasyon ang ganyang situwasyon, tiyak ito ang mabubuntunan ng sisi. Ang ngitngit at galit ng tao ay tiyak mabubunton kay Madam Glo. Ang taong nagugutom ay mawawalan ng rason ang pag-iisip.
Ang tangi lang nating magagawa ay magtiis at magtipid. Pero hanggang kailangan ang paghihigpit ng sinturon? May limitasyon din ang pagtitiis. Lahat ng tao at sektor ng lipunan ang apektado. May kotse ka man o wala, mararamdaman mo ang sakit. Hindi na makakaagwanta ang mga drivers at mapipilitan ang pamahalaan na aprobahan ang akmang pagtataas sa halaga ng pasahe. Lahat, mayaman man o mahirap ay apektado. Pero ang higit na makadarama ng bigat ng sakripisyo ay ang mga mahihirap.
Ang mayaman ay posibleng ma-absorb ang pagtataas sa halaga ng bilihin. Ang mahirap at ordinaryong mamamayan ay umaasa lang sa kinikita sa pagtatrabaho. Wala namang akmang umento kapag tumataas ang halaga ng kabuhayan.
Pati mga producers ng ating pang-araw-araw na kailangan ay magtataas din ng presyo at mahihirapan tayong lahat. Ang hirap kasi, sa kabila ng pagkakaroon ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, nakasandal pa rin tayo sa krudong langis.
Ano na ba ang nangyari sa ipinapanukala sa ating Kongreso na biofuels act? Puro press release lang ang nababasa natin eh. Panahon na para umusad ito at maging totoo.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph